HINDI lang diskwalipikasyon ang dapat isampal ng Commission on Elections (Comelec) sa Smartmatic Philippines Inc. kundi kasuhan ito sa pagmamanipula ng eleksyon sa bansa.
Ito ang iginiit ni ACT party-list Rep. France Castro matapos magpasya ang komisyon na diskwalipika ang nasabing kumpanya sa pagsali sa bidding para sa 2025 elections upang ipreserba ang integridad ng mga susunod na halalan.
“It is a good development considering the numerous issues raised against it,” ani Castro subalit hindi aniya dapat dito magtatapos ang lahat dahil kailangang imbestigahan at kasuhan ang Smartmatic upang panagutin sa pagmamanipula sa mga nakaraang eleksyon lalo na sa katatapos na 2022 presidential election.
Sa katunayan, dalawang resolusyon na aniya ang inihain ng Makabayan bloc sa Kamara para isailalim sa imbestigasyon ang Smartmatic dahil sa mga iregularidad noong nakaraang May 9, 2022 election kung saan nanalo si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., at runningmate nito na si Vice President Sara Duterte.
Kabilang dito ang House Resolution (HR) 16 at HR 1239 matapos isiwalat ni dating Department of Information and Communication Technology (DICT) Secretary Eliseo Rio na 98.8 percent sa Metro Manila precinct result at 95.5 percent sa Cavite at 81 percent sa Batangas ay ipinadala sa iisang 192.168.0.2 IP address lamang.
Hanggang ngayon ay hindi umuusad ang nasabing mga resolusyon sa House committee on suffrage and electoral reforms subalit sa pasyang ito ng Comelec, umaasa ang mambabatas na maimbestigahan ang Smartmatic at sampahan ng mga kaso.
“We hope though that even with its disqualification Smartmatic would still be investigated so that Philippine elections could not be manipulated anymore,” ayon sa mambabatas.
Layon din umano nito na bigyang babala ang mga kumpanyang mananalo sa bidding na seryoso ang Comelec na panagutin ang mga ito kapag minanipula ang resulta ng halalan sa hinaharap.
(BERNARD TAGUINOD)
