INILUKLOK ni ACT Teacher party-list Rep. France Castro si Vice President Sara Duterte bilang “Fake News Queen” matapos panindigan ang maling impormasyon na kaanak niya si Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro.
Ayon kay Castro, kapwa na nila nilinaw ng Malacañang na wala silang kaugnayan sa isa’t isa kundi magkaapelyido lamang subalit pinaninindigan aniya ni Duterte ang una nitong alegasyon na magkamag-anak sila.
“Paulit-ulit na lang ang pagpapakalat ng kasinungalingan ni VP Sara Duterte. Walang katotohanan ang kanyang sinasabi na magkamag-anak kami ni Usec. Claire Castro. Ito ay malinaw na fake news, at para sa pangalawang pinakamataas na opisyal ng bansa, kahihiyan ito,” ayon sa mambabatas.
Tinawag niyang Reyna ng Fake News ang Bise Presidente na nakababahala aniya.
Maging si ACT Teacher party-list Rep-elect Antonio Tinio ay nagpahayag din ng pagkabahala dahil imbes na manguna si VP Duterte sa pagpapakalat ng tamang impormasyon ay siya ang nagkakalat ng fake news para guluhin ang bansa.
“Kung ang mismong Pangalawang Pangulo ay walang hiya sa pagsasabi ng kasinungalingan sa harap ng kamera at ng sambayanan, paano pa natin aasahan ang kanyang sagot sa mga isyung tulad ng P612.5 milyong confidential funds na ginastos niya?,” tanong ni Tinio.
Si Duterte ay inimpeach ng Kamara noong Pebrero dahil sa kwestyonableng paggastos umano sa kanyang confidential funds na hindi pa nito sinasagot nang direkta hanggang sa kasalukuyan bagkus ay itinuturing niya ito bilang ‘pamumulitika’ ng administrasyon laban sa kanya.
“Wala siyang ibang gagawin kundi magsinungaling at magpalusot upang takasan ang pananagutan,” dagdag ayon pa kay Tinio kaya iginiit nito na kailangang matuloy ang impeachment trial sa lalong madaling panahon upang mapanagot si Duterte sa paglustay ng kaban ng bayan.
(BERNARD TAGUINOD)
