PINAIIMBESTIGAHAN ni Quezon 4th District Representative Angelina Tan sa National Bureau of Investigation (NBI) ang pagpapalipad ng drone sa kanyang bahay at pagkatapos ay ipinost sa social media.
Sa complaint affidavit ni Tan sa NBI Lucena, sinabi nito na nakarating sa kanyang kaalaman na may taong nag-o-operate ng isang website na https://sovereignph.com/ at iba pang mga account sa
ibang online platform tulad ng Instagram at Tiktok na nagpo-post ng malisyosong larawan at video ng kanilang bahay ng asawang si Engr. Ronnel Tan na Regional Director ng DPWH Region 1.
Partikular na tinukoy ng kongresista ang pinost sa Tiktok ng isang username na @sovereignpb na maikling video clip na nagpapakita sa mukha ni Tan at kanyang asawa na may nakasulat na “corrupt officials”.
Kasunod nito ang mga negatibo at malisyosong komento at ang video clip na nagpapakita ng drone footage ng property na umano’y pag-aari ng mag-asawa. Bukod dito, naka-post din sa website
ng sovereignph.com na may address na https://sovereignph.com/2020/11/10/doj-urged-to-probe-hospitals-benefitting-from-illegal-irm-including-hospital-owned-by-rep-angelina-tan/.
Giit ni Tan, malinaw na paglabag sa right to privacy at illegal na surveillance ang ginagawang pagpapalipad ng drone sa kanilang bahay na ang hangarin ay sirain ang kanilang pamilya.
Aminado ang mambabatas na wala silang pagkakakilanlan sa mga taong nasa likod ng mga website dahil nagtatago ang mga ito sa iba’t ibang username kaya naman humingi na ito ng saklolo kay NBI Lucena Director Dominador Villanueva III para imbestigahan kung sino ang mga taong nasa likod ng pagpapakalat sa social media ng umano’y mga malisyosong video clips.
Kaagad namang pinadala ni Villanueva ang reklamo kay NBI Director for Regional Services Atty. Antonio Pagapat para sa forensic exam ng kaso para matukoy kung sino ang mga taong nasa likod nito. (ABBY MENDOZA)
460
