SONA AMPAW

GANITO inilarawan ng isang militanteng mambabatas ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

“Sa haba at dami ng sinabi ni Pang. Marcos Jr., kulang sa sustansya at laman ang mga sinabi niya sa kanyang pangalawang SONA,” pahayag ni House assistant minority leader at ACT party-list Rep. France Castro.

Hindi aniya pinuntirya ni Marcos na ang pangunahing dahilan ng taas presyo ng mga produktong agrikultural ay dahil sa patuloy niyang pagkapit sa importasyon, walang sapat na tulong sa sektor ng pagsasaka at ang buwis sa mga produktong petrolyo.

Sablay rin umano si Marcos nang ipagmalaki nito na bumaba na ang presyo ng mga produktong petrolyo gayung ngayong Martes ay muling magpapatupad ng oil price increase ang mga kumpanya ng langis.

“Sa esensya, puro ampaw na pagmamalaki sa mga nirebrand na mga lumang proyekto ng kanyang amang diktador tulad ng paggamit sa Maharlika, Kadiwa, Bagong Pilipinas at iba pa pero kulang naman sa mga substansyal na mga hakbang sa mga pangunahing kahilingan ng mamamayan tulad ng pagpapababa sa presyo ng mga serbisyo at bilihin, signipikanteng pagtaas ng sahod, hustisya sa mga biktima ng EJK at red-tagging at paglaban sa korapsyon,” ayon pa kay Castro.

Sinabi naman ni Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel na sadyang kinalimutan ni Marcos ang mga manggagawa at band aid lang ang solusyon ng Pangulo sa problema sa sektor ng edukasyon.

“Ito na ba ang Bagong Pilipinas na ibinibida ng Pangulo? ‘Tila Bangungot na Pilipinas ang hatid ng gobyerno. Hindi binanggit ang P14 trillion na utang gobyerno, mumong sahod ng mga manggagawa, at panibagong dagdag buwis sa ilalim ng panukalang Digitax, Excise Tax on Plastic Bags, at iba pa,” komento naman ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas.

Subalit kung ang mga kaalyado ni Marcos ang tatanungin, naireport nito ang tunay na kalagayan ng bansa at nagawa nito sa kanyang unang taon.

“The President went straight to the point, keeping his performance report simple and bereft of gimmicks — no pomp and circumstance. It was terse but meaningful,” ani Cavite Rep. Elpidio Barzaga Jr.

Ayon naman kay Batangas Rep. Ralph Recto, lecture sa medium development plan ang nilalaman ng SONA ni Marcos na nakadisensyo aniya para kumbinsihin ang lahat na makipagtulungan sa gobyerno upang makamit ang tagumpay para sa bansa.

“It’s a compendium of the initial steps the President has done, and it’s obviously a good start. There are still five more years to go but at least we now have a more concrete idea of the things to come. Simply put – it’s a job well done Mr. President,” komento naman ni Bulacan Rep. Salvador Pleyto Sr.

(BERNARD TAGUINOD)

516

Related posts

Leave a Comment