INILATAG ng Chief of Staff ng Armed Forces of the Philippines at kasalukuyan ding Commanding General ng Philippine Army Gen. Romeo S. Brawner Jr. ang kanyang AFP Command Guidance, “UNITY”, sa unang AFP Command Conference sa General Headquarters, Camp General Emilio Aguinaldo, Quezon City.
Si Gen. Brawner ay nanunungkulan bilang ika-60 AFP Chief of Staff kapalit ni Gen. Andres C. Centino. Sa kumperensya, binigyang-diin niya ang limang puntos na kanyang pagtutuunan ng pansin alinsunod sa panawagan ng Pangulo ng Pilipinas at Commander-in-Chief ng Armed Forces of the Philippines Ferdinand R. Marcos Jr. para sa pambansang pagkakaisa o UNITY.
“U is Unification of all people internally – the command including officers, enlisted personnel, and civilian human resource and also, the people externally – especially the former rebels who will be united again with their families;
Ang N ay Normalization, dahil susuportahan ng AFP ang proseso ng normalisasyon sa Bangsamoro Autonomous Region sa Muslim Mindanao; At ang I ay Internal Security Operations, dahil susuportahan at poprotektahan ng command ang mga napagtagumpayan laban sa mga kalaban ng estado upang maiwasan ang muling pagkabuhay ng insurhensya at terorismo sa bansa;
T para sa Territorial Defense, sisikapin ng AFP na gawing moderno ang kagamitan, pasilidad, proseso, at subsystem nito; gayundin ang pagpapanatili ng disiplina at propesyonalismo upang matiyak na ang organisasyon ay isang kapani-paniwala at karampatang puwersang panlaban na may kakayahang ipagtanggol ang integridad at soberanya ng teritoryo ng bansa;
At Y para sa youth o mga kabataan, gagawin ng AFP ang bahagi nito sa pagpapaunlad ng Kabataan, ang mga magiging pinuno ng ating bansa, upang maging responsable at makabayang tagapagtanggol ng bansa at teritoryo,” pagdiin pa ng CSAFP.
Dumalo sa command conference ang matataas na mga opisyal ng depensa at militar mula sa AFP Joint Staff, Personal Staff, Special Staff, at Technical Staff para talakayin ang mga bagong operasyon at modernisasyon ng AFP, ang mga plano, programa, at legislative agenda ng departamento.
(JESSE KABEL RUIZ)
