SPECIAL BODY VS PINOY BIRTH CERT NG CHINESE NAT’LS APRUB NA

PINAGTIBAY na sa committee level sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukalang batas na magtatag ng special body na magkakansela sa Filipino birth certificate na inisyu sa mga Chinese nationals na sangkot sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) at ilegal na droga.

Walang tumutol nang isalang sa committee approval ang House Bill 11117 na mas kilala sa “Fraudulent Birth Certificate Cancellation Law” at nakatakdang iakyat na sa plenaryo sa susunod na linggo para sa ikalawa at ikatlong pagbasa.

“A birth certificate is the most basic document a Filipino citizen must have. It is a document that provides the imprimatur of the State that an individual is a Filipino and opens to the individual vast opportunities unavailable to foreigners,” ayon sa panukala.

Kapag naging batas ang nasabing panukala, magtatatag ang gobyerno ng “Special Committee on Cancellation of Fraudulent Birth Certificates” na pamumunuan ng Registrar General ng Philippine Statistics Authority (PSA) kasama ang Department of Foreign Affairs (DFA), Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Justice (DOJ) at Office of the Solicitor General (OSG).

Ginawa ang panukala matapos matuklasan sa Quad Committee hearing na maraming Chinese nationals na pawang sangkot sa POGO at ilegal na droga ang nakakuha ng Pinoy birth certificate kahit hindi ipinanganak ang mga ito sa Pilipinas.

Base sa mga ebidensyang nakalap ng komite, pinayagan umano ang mga dayuhang ito na magpa-late registration sa mga local registrar office kahit walang ebidensya na ipinanganak ang mga ito sa Pilipinas at hindi marunong magsalita ng Tagalog.

Dahil dito, nagkaroon ng pagkakataon ang mga dayuhang ito na makakuha ng Philippine passport at iba pang dokumento tulad ng driver’s license na siyang ginamit para mamakyaw ng lupain at magtayo ng negosyo na hindi kailangan ang Filipino counterpart.

“Kasi sa Quad Comm nakita namin ang napakaraming mga Chinese na nakakuha ng passport, and the only way for them to have an official passport would be that they would have officially legal certificates, birth certificates. Eh ‘di naman sila pinanganak dito, taga-China naman sila,” ayon sa isa sa chair ng komite na si Rep. Bienvenido Abante Jr., matapos aprubahan ang nasabing panukala. (BERNARD TAGUINOD)

179

Related posts

Leave a Comment