MERALCO NAGPAALALA SA PUBLIKO NA ISAALANG-ALANG ANG ELECTRICAL SAFETY SA PAGSALUBONG NG BAGONG TAON

MANILA, PHILIPPINES, 29 Disyembre 2023— Nagpaalala ang Manila Electric Company (Meralco) sa publiko na mag-obserba ng electrical safety practices para maiwasan ang mga posibleng aksidente sa pagsalubong ng Bagong Taon.

Bagama’t sarado ang mga Meralco Business Center mula Disyembre 30 hanggang Enero 1, nakaantabay 24/7 ang mga crew ng kumpanya upang matiyak na ligtas at masaya ang pagsalubong ng 7.8 milyong customer nito sa Bagong Taon.

“Paalala lamang sa aming mga customer, iwasan ang pagsindi ng mga paputok malapit sa mga pasilidad ng kuryente upang maiwasan ang aksidente. Makakaasa ang aming mga customer na nakaabtabay ang aming mga crew upang rumesponde sa anumang posibleng problema sa serbisyo ng kuryente sa pagsalubong ng Bagong Taon,” ani Meralco Vice President at Head ng Corporate Communications Joe R. Zaldarriaga.

Para sa tuluy-tuloy na serbisyo ng kuryente at upang matiyak ang kaligtasan mula sa mga insidente ng sunog at iba pang uri ng aksidente, narito ang mga tip sa ligtas na paggamit ng kuryente mula sa Meralco:

Huwag magsindi ng paputok malapit sa pasilidad ng kuryente. Iwasang gumamit ng paputok malapit sa mga pasilidad ng kuryente gaya ng poste, mga kable, at mga transformer. Ang pagtama ng mga paputok sa mga nabanggit ay maaaring magdulot ng pagkaantala sa serbisyo ng kuryente.

Umiwas sa mga pasilidad ng kuryente kung gagamit ng party items. Huwag gumamit ng mga lobo, mga party popper, at iba pang mga party item malapit sa mga kable ng kuryente dahil ang pagdikit nito sa mga pasilidad ay maaaring magdulot ng problema sa serbisyo ng kuryente.

Maghanda ng fire extinguisher. Makakabuti kung may nakahandang fire extinguisher sakaling magkaroon ng sunog dahil sa mga paputok.

Iwasan ang ‘octopus’ connection at overloading. Huwag pagdugtung-dugtungin ang mga extension cord o ang tinatawag na ‘octopus connection’. Ang pag-overload ng mga electrical outlet o extension cord ay isa sa mga karaniwang sanhi ng sunog.

Tanggalin sa pagkakasaksak ang mga Christmas light at iba pang appliance na hindi ginagamit. Huwag kalimutan na bunutin sa pagkakasaksak ang mga Christmas light at iba pang appliance kapag hindi ginagamit ang mga ito pati na rin bago umalis ng bahay.

Para sa mga alalahanin tungkol sa serbisyo ng kuryente, maaaring makipag-ugnayan ang mga customer ng
Meralco sa pamamagitan ng mga opisyal na social media account ng kumpanya sa Facebook
(www.facebook.com/meralco) at Twitter (@meralco). Maaari rin magpadala ng mensahe sa mga numerong
0920-9716211 at 0917-5516211 o tumawag sa 24/7 Meralco Hotline sa bilang na 16211 at 8631-1111.

108

Related posts

Leave a Comment