MERALCO, PINAIGTING ANG KAMPANYA SA PAGHIKAYAT SA MGA CUSTOMER NA MAG-APPLY NG LIFELINE RATE DISCOUNT

Nagsasagawa ang Meralco ng on-site application upang mas maging madali para sa mga aplikante ng lifeline rate program ang proseso ng pag-apply para sa naturang discount. Isa ang Barangay San Roque, Quezon City sa mga binisita ng Meralco kaugnay ng inisyatiba upang mahikayat mag-apply ang mga kwalipikadong residente.

Pinaigting ng Manila Electric Company (Meralco) ang pagsasagawa ng mga barangay caravan sa iba’t ibang lungsod at probinsya upang mahikayat ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at iba pang kwalipikadong residente na mag-apply sa lifeline rate program.

Simula Setyembre 2023, tanging mga customer na lamang na mayroong aprubadong aplikasyon ang makakakuha ng diskwento sa kanilang Meralco bill kaugnay ng bagong tuntunin ng Republic Act No. 11552.

Bukod sa pagsasagawa ng mga information campaign na sinimulan ng kumpanya noong Abril, nagsasagawa na rin ang Meralco ng onsite applications sa mismong mga barangay upang maging mabilis at madali ang proseso para sa mga kwalipikadong residente.

Ayon kay Meralco Vice President at Head ng Corporate Communications Joe R. Zaldarriaga, patuloy ang pagsusumikap ng kumpanya sa paggawa ng paraan para mahikayat ang mga kwalipikadong residente na mag-apply sa naturang programa.

“Bagamat nakipag-uganayan na kami sa lahat ng lokal na social welfare development offices o SWDO sa mga lugar na nasasakupan ng aming serbisyo, patuloy pa rin kaming makikipag-ugnayan sa mga customer. Umaasa kami na magiging malaking tulong ang ginagawa naming pag-proseso ng mga aplikasyon sa mga barangay para lalong mapataas ang bilang ng mga customer na makakakuha ng diskwento sa kanilang mga bill,” pahayag ni Zaldarriaga.

Ngayong Agosto, nakatakdang magsagawa ng on-site application at caravan sa mga lungsod ng Caloocan, Las Piñas, Manila, Parañaque, Quezon, at Valenzuela.

Ganito rin ang gagawin ng Meralco sa San Rafael at Meycauayan sa Bulacan, San Pablo sa Laguna, General Mariano Alvarez at General Trias sa Cavite, Taytay at Rodriguez sa Rizal, at Mauban at Sariaya sa Quezon.

Sa ilalim ng lifeline rate program, ang mga kwalipikadong customer na kokonsumo nang hindi lalagpas sa 100 kilowatt hours (kWh) kada buwan ay makakakuha ng 20% hanggang 100% na diskwento sa kanilang mga Meralco bill depende sa kanilang konsumo.

Ang mga kwalipikadong customer ay maaaring mag-sumite ng kanilang aplikasyon kalakip ang kumpletong dokumento gaya ng mga 4Ps ID, pinaka-bagong Meralco bill, at application form sa pinakamalapit na Meralco Business Center. Para sa mga hindi naman miyembro ng programang 4Ps, kailangan lamang mag-sumite ng sertipikasyon mula sa SWDO at ID na inisyu ng gobyerno. Mayroon ding hiwalay na linya sa mga tanggapan ng Meralco para sa mga aplikante.

“Nananawagan kami sa mga Meralco customer na kwalipikadong maging bahagi ng programa na samantalahin ang mga caravan sa kanilang mga barangay at mag-sumite na ng kanilang aplikasyon upang patuloy nilang mapakinabangan ang diskwento sa kanilang mga bill. Makakaasa ang aming mga customer na agaran naming aasikasuhin ang kanilang mga aplikasyon. Magpapatuloy din kami sa pagsasagawa ng information at education campaigns upang mas lalong dumami ang nakikinabang sa programa,” ani Zaldarriaga.

125

Related posts

Leave a Comment