PAANO MAIIWASANG MATAMAAN NG KIDLAT?

KIDLAT-11

(ni ANN ESTERNON) 

Ngayong panahon ng tag-ulan hindi maiiwasan na may kidlat paminsan-minsan.

Kadalasang nangyayari ang kidlat sa mga ulap. Ngunit kapag masama na ang panahon at iba ang lakas ng ulan, minsan ay nabubuo ang kidlat na tumatama sa lupa.

Kapag may kulog, ibig sabihin ay may kidlat. Ang kulog ay nangyayari galing sa kidlat.

PAANO NAGKAKAROON NG PAGKIDLAT?

Ang kidlat ay isang electric current na nabubuo kapag may thunderstorm.

Sa loob ng ulap o thundercloud ay naroong namumuo ang maliliit na mga yelo na kapag nahipan ng sunud-sunod o malakas na hangin ay nagbabanggaan ang mga ito at dito na nagkakaroon ng electric charge. Kapag puno na ang mga ulap ng electric charge, kung saan ang positive charge ay nasa itaas at ang negative charge ay nasa baba, ay nagkakaroon din ng electric charge sa lupa.

Ang electric charge sa lupa ay nasa mga bundok, puno, tao, hayop o gusali. Kapag ang electric charge ng mga ito ay nagtagpo kasama na ang electric charge sa langit ay dito na nagkakaroon ng kidlat.

Laging sabay ang kulog at kidlat ngunit mas mabilis ang galaw ng kidlat kaysa galaw ng kulog.

Ang bilis o galaw ng kidlat ay 299,800 KM/Second habang ang bilis ng tunog ng kulog ay .33 KM/Second. At kahit may layong 20 kilometro ang layo ng thunderstorm ay posible tayong tamaan ng kidlat.

Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration o PAGASA, ang kadalasang unang tinatamaan ng kidlat ay ang matataas na lugar o mga structure, puno, o gusali. Pero kung ikaw lamang ang mataas sa open field (sa bukid, ha­limbawa), o may isa o higit pang dami ng hayop na naririto ay maaari ring tamaan ng kidlat.

Ibinabala rin ng PAGASA na kapag may pag-ulan o masama ang panahon at may pangyayaring pagkidlat ay mabuting manatili na lamang sa loob ng bahay o sa safe na saradong lugar tulad ng gusali. Umiwas ding lumapit sa mga tubong dinaraanan ng tubig. Iwasan din ang electrical devices at mga kable. Umiwas ding lumapit sa mga bintana.

Nito lamang ay may naiulat na dalawang lalaki na magpinsan ang nasawi dahil sa tinamaan ang mga ito ng kidlat. Nangyari ang insidente sa Sta. Elena, Camarines Sur nang ang dalawa umano ay hawak ang kanilang cellphones at nag­hahanap ng signal para sa online game na Mobile Legends.

Ang cellphone ay isang electrical device, may charge at may battery. Mayroon din itong metal component kaya prone sa kidlat.

Ang boltahe ng kidlat (cloud to ground o mula ulap hanggang lupa) ay maaaring umabot sa one billion volts ng elektrisidad kaya maaari itong makamatay.

Hindi lahat ay namamatay sa kidlat kapag tinamaan nito. Gayunman kailangan pa ring mag-ingat dahil hindi ka man mamatay sa pagtama ng kidlat ay maaaring mag-iwan ito ng pinsala sa ating internal organs tulad ng puso at ng ating respiratory system.

Posible ring tamaan ang mga bato (kidneys) o ang atay.

Maaari ring magresulta ang pagtama ng kidlat sa atin na puwedeng humantong sa 1st at 2nd degree burns.

Ayon pa sa mga eksperto, marami sa mga nakaligtas sa kidlat ay dumaranas naman sa matinding epekto nito katulad ng pagkawala ng memory, pagkahilo, panghihina, pamamanhid, at iba pa.

Ayon sa satellite observations, ang kidlat ay nangyayari nang madalas sa lupa kaysa sa mga karagatan. At ito ay mas nangyayari sa lugar na malapit sa equator.

Ang mas madalas na frequency sa lupa ay dahil sa ang solid earth ay mas nag-a-absorb ng sunlight o sinag ng araw at mas mabilis na uminit kaysa tubig kaya nagkakaroon ng atmospheric instability – na humahantong sa pagbuo ng mga bagyo.

Kung inyong mapapansin ang ilang lugar sa Africa tulad ng Central Africa ay madalas tamaan ng kidlat ay dahil may malawak silang ground doon at matindi rin ang init sa kanilang lugar.

MGA PARAAN PARA MAKAIWAS SA PAGTAMA NG KIDLAT

– Kung ikaw ay nasa open field at naabutan ng ulan na may kasamang kidlat dito, agad na yumuko habang naka-squat at pagdikitin ang dalawang sakong at tu­mingkayad at takpan din ang mga tainga.

Maiiwasan ang pagtama ng kidlat sa ganitong paraan dahil kapag nagdikit ang mga sakong o naka-inverted letter V ang heels, ang kuryente ay hindi papasok sa katawan pero daraan lamang ito sa isang sakong at lalabas naman sa kabila. Kapag sigurado nang wala ng kidlat ay maghanap na o tumakbo na sa lugar na puwedeng masilungan.

– Manatili sa loob ng bahay o gusali kung saan mas ligtas.

– Kapag kumikidlat ay iwasang humawak sa puno.

– Huwag humawak sa kable o sa mga tubo ng tubig dahil mabilis na gumapang ang kuryente sa mga ito.

PALATANDAAN NA MAGKAKAROON NG KIDLAT SA LUPA

May early signs na tinatawag ng pagtama ng kidlat sa lupa na hindi dapat balewalain tulad ng:

– Mabilis na pamumuo ng cumulonimbus clouds.

Ang cumulonimbus clouds (thunderstorm clouds din kung tawagin) ay maraming dalang tubig at tumi­timbang ito na umaabot sa isang mil­yong tonelada.

Maging alerto kapag nakitang mabilis na namumuo ang cumulonimbus clouds. Hindi laging sa maaraw na kalangitan lamang makikita ang cumulonimbus clouds. Ito kasi ang unang stage ng pamumuo ng thunderstorm. Kapag nakita na ito ay agad nang maghanap ng mapupuntahang ligtas na lugar.

– Lumalakas ang hangin at dumidilim ang kalangitan. Tanda ito na paparating ang bagyo at posible ang pag-ulan, pagkulog, at pagkidlat.

– Malalakas na kulog. Ang malalakas o magkakasunod na kulog ay likha ng kidlat. Kapag naririnig na ang sobrang lakas na kulog ay nariyan lamang ang kidlat.

– Babala ng weather bureau. Tulad ng PAGASA, dapat ding pakinggan at maging alerto sa kanilang mga inaabiso kapag masama ang lagay ng panahon.

PALATANDAAN NA POSIBLENG TUMAMA ANG KIDLAT SA TAO

– Pagtayo ng buhok at balahibo

– Metallic taste o panlasang bakal sa bibig

– Pamamawis ng mga kamay

– Pakiramdam na parang napapaso ang balat

– Amoy chlorine (o amoy chlorine bleach na ginagamit sa panlaba o chlorine na naamoy sa mga swimming pool). Ang chlorine na ito ay ozone, na napoprodyus kapag ang nitrogen oxides mula sa kidlat ay nag-i-interact sa iba pang chemicals at sinag ng araw

– Nagba-vibrate, buzz, o may tunog mula sa metal objects sa paligid

LIGHTNING HOTSPOTS SA MUNDO

  1. Lake Maracaibo, Venezuela
  2. Kabare, Democratic Republic of Congo (DRC)
  3. Kampene, DRC
  4. Caceres, Colombia
  5. Sake, DRC
  6. Dagar, Pakistan
  7. El Tarra, Colombia
  8. Nguti, Cameroon
  9. Butembo, DRC
  10. Boende, DRC

TRIVIA

– Astraphobia ang tawag sa takot sa kidlat at kulog

– Ang kidlat ay may temperaturang 54,000 degrees Fahrenheit – mga limang beses na mas mainit sa surface ng araw.

– Nagkakaroon ng kidlat sa mahigit tatlong milyong beses kada araw sa buong mundo –40 beses kada segundo.

– Hindi lahat ng kidlat ay nangyayari sa ground o sa lupa, ang mga ito ay nagaganap sa pagitan ng mga ulap.

– Ang kidlat ay pumapatay ng aabot sa 2,000 katao kada taon sa buong mundo.

– Ang Rwanda, Africa ay dating tinaguriang lightning capital ng mundo dahil madalas ang kidlat dito. Ngayon, dinaig na ito ng Lake Maracaibo sa Venezuela.

2455

Related posts

Leave a Comment