PAANO PAGHAHANDAAN ANG LINDOL?

LINDOL10

Sa mga naganap na lindol kamakailan sa Mindanao, maraming buhay ang nawala at maraming tao ang nasaktan.

Tatlong lindol ang yumugyog nang husto sa lugar na ito. Ang una ay magnitude 6.3 noong Oktubre 16, sinundan ito ng magnitude 6.6 noong Oktubre 19 at ang pinakahuli ay nitong Oktubre 31 lamang na may lakas na 6.5 na lindol.

Sa sunud-sunod na pagtalang iyan ay hindi natin talaga dapat balewalain ang lindol. Katunayan ang epekto nito ay ang mas nakatatakot dahil nagpapatuloy ito at matagal na nararamdaman. Kasama na rito ang kakulangan ng sapat na tulong sa mga apektadong lugar at apektadong mga indibidwal.

Unang tinamaan dito ang Cotabato at iba pang karatig lugar sa Mindanao.

Ang serye ng lindol ay kumitil sa 14 katao, at 403 ang mga nasaktan. Maliban dito ay umabot sa 8,000 ang nawalan ng bahay. Naging dahilan din ito upang ang maraming tao ay manirahan muna sa 19 evacuation centers.

Sinasabi ng mga eksperto na ang Cotabato ay isang major source ng lindol na maaaring makaapekto sa mga katabing lugar na ito. May mga local faults din sa katabing lugar na nabanggit na maaaring magresulta sa mahihinang lindol.

Sa ganitong sitwasyon ay kailangang maging alerto ang bawat isa sa atin upang maging ligtas.

Ang lindol ay hindi natin masasabi kung kailan ito tatama at saang lugar ito maaaring tumama. Pero ang ganitong bagay ay dapat na paghandaan para ang epekto nito ay hindi maging malala.

Kaugnay nito, ito ang mga dapat nating tandaan:

Bago ang lindol

Ang pinakamahalaga rito ay ang maging handa at pagpaplano at dapat alam ito ng bawat miyembro ng pamilya at kasamahan.

– Sa anumang establisi­miyento, gusali o sa kabahayan ay importanteng may fire extinguisher, first aid kit, battery-powered na radyo, flashlight at extra batteries. Huwag ding kalimutan na dapat ay naka-charge ang batteries ng inyong mobile phones kahit pa ang ilang landline phones.

– Alam dapat ng bawat mi­yembro ng pamilya o ang mga nasa loob ng bahay, establisi­miyento, o gusali ang paggamit ng fire extinguisher, alam ang paghahanda at paggamit ng first aid kit, at kung saan kukunin ang mga ito.

– Alamin din dapat kung paano i-switch off ang gas ng LPG, tubig, at kuryente.

– Suriin ang mga linya ng kur­yente, tubig o gas kung ito ay may sira at agad na ayusin.

– Iwasang maglagay ng mabibigat na bagay sa ibabaw ng mga estante upang sa oras na may lindol ay hindi na ito makasakit pa.

– Maaaring i-secure ang mga estante, mga naglalakihang cabinets, cupboards at appliances at idikit o i-lock ito sa dingding o sa sahig upang maiwasang matumba.

– Dapat ay malaman ng lahat ang inyong earthquake plan.

Sa oras na nangyayari ang lindol

Ang kailangan ay maging kalmado. Kung alam nating matibay ang gusali, o bahay kung saan tayo ay nasa loob nito, mas maiging manatili rito at gawin ang tinatawag na “duck, cover and hold”.

– Kung kayo ay nasa labas ay manatili na lamang dito at umiwas sa lugar na malapit sa mga nagtataasang gusali, sa posibleng matumbahan ng linya ng kuryente at mas maiging magpunta sa open area.

– Kung nasa loob ng gusali o bahay, agad na humanap ng daan papalabas. Kapag hindi pa makalabas ay maghanap ng matibay na lamesa at pumuwesto sa ilalim nito at gamit ang mga kamay ay takpan ang inyong mga ulo.

– Tandaan ang predetermined outdoor meeting location ninyo mula sa inihandang emergency plan.

– Kung nasa wheelchair ay manatili lamang dito at mag­hanap ng ligtas na puwesto at i-cover ang ulo at leeg.

– Kung nasa kama ay manatili lamang dito o mas maiging sa ilalim nito at gamitin ang unan sa pagtakip sa ulo.

– Iwasang pumuwesto malapit sa babasaging bintana, shelves at iba pang mabibigat na bagay.

– Iwasang gumamit ng pos­poro, kandila o gasera dahil delikado ang mga ito sa linya ng gas na maaaring nasira na ng lindol.

– Maging maingat sa paggamit ng telepono dahil sa oras na may ganitong sakuna ay busy ang linya ng telepono para sa madaliang pagresponde ng mga awtoridad.

– Kung nasa loob ng sasak­yan, manatili lamang dito at pu­muwesto sa open area hanggang sa tumigil ang lindol. Maaari ring lumabas at siguraduhing ligtas pa rin ang titigilan. Huwag nang tangkain pang dumaan sa mga tulay, dahil maaaring may pinsala na ito ng lindol.

– Iwasang gumamit ng elevator dahil posibleng na-stuck na ito at sa halip ay hagdan na lamang ang gamitin.

– Kung nasa tabi ng bundok, agad na lumayo sa lugar na may matatarik na dalisdis. Kung maabutan ng pagguho ng lupa o landslide, manatili sa bahay at pumailalim sa matibay na lamesa o kama. Kung nasa loob ng sasakyan ay manatili lamang dito.

– Kung nasa tabi ng dagat ay umalis agad dito at magpunta sa matataas na lugar upang makaiwas sakaling may tsunami o seiche.

Matapos ang lindol

Manatili pa ring alerto at kalmado kahit pa sa katatapos na lindol.

– Maging alerto at handa pa rin sa aftershocks. Ang aftershocks ay maaaring mangyari sa loob lamang ng ilang minuto matapos ang mismong pagkalindol. Maaari ring mangyari ito matapos ang ilang araw, buwan.

– Itsek ang mga sarili dahil maaaring may injuries o pinsala na natamo mula sa lindol.

– Agaran ding itsek ang mi­yembro ng pamilya o mga kasamahan.

– Tumutok sa balita mula sa radyo at telebisyon at sumunod sa mga instruksyon ng mga awtoridad.

– Manatiling alerto pa rin at amuyin kung may pagsingaw mula sa gas lines o LPG. At kung may naaamoy ay dagliang buksan ang mga bintana at pinto saka agad na lumabas.

– Suriin ang mga appliances para sa pagkasira nito at agad na bunutin mula sa saksakan.

– Suriin ang mga senyales ng pagkasira ng istraktura lalo na sa mga pundasyon nito.

– Iwasang gumamit ng elevators sa paglabas mula sa gusali o bahay.

– Umiwas sa mga nasira o naapektuhang mga gusali ganoon din sa mga salamin.

– Magsuot ng boots o makakapal at matibay na sapatos kung maaari, para maiwasang masugatan ang mga paa papalabas ng bahay o gusali.

– Iwasan ang manatili sa dagat dahil baka ang lindol ay masundan ng tsunami o ‘seiche’.

– Ipagbigay-alam sa mga awtoridad kung may sunog, nasirang linya ng kuryente, tubig, o gas.

– Dalhin ang emergency survival kit.

– Bumalik lamang sa inyong mga gusali, o mga bahay kapag naideklara nang ligtas sa panganib.

Kung na-trap sa lindol

Kung na-trap sa lindol o nai­pit ng bumagsak na concrete debris, iwasang gumamit ng posporo, kandila o lighter. Takpan ang bibig gamit ang panyo o damit para makaiwas sa pagkahilo, o pagka-suffocate dala ng alikabok, singaw ng gas o anumang usok. Lumikha ng ingay gaya ng pagkatok sa dingding, tubo at iba pa na maaaring marinig ng iba at agad na mailigtas.

Iwasang sumigaw bilang paghingi ng tulong dahil sa pagbukas ng bibig ay maaa­ring makalanghap ng delikadong dami ng alikabok o amoy ng kemikal. Sumigaw lamang bilang last resort, o kung wala na talagang choice.

513

Related posts

Leave a Comment