(NI JJ TORRES/PHOTO BY MJ ROMERO)
HANDANG harapin ng San Miguel Beermen ang matinding pagsubok para makamit ang inaasam na Grand Slam matapos makopo ang PBA Commissioner’s Cup crown noong Miyerkoles.
Winakasan ng Beermen ang serye nila ng TNT KaTropa sa pamamagitan ng 102-90 na panalo sa Smart Araneta Coliseum, upang sungkitin ang pangalawang sunod na korona ng taon.
Mas determinado ngayon ang SMB na kumpletuhin ang trabahong hindi natapos noong 2016-17 season nang ma-eliminate sila ng Barangay Ginebra sa quarterfinals ng Governors’ Cup.
“Well there’s no other way but to target the Grand Slam,” wika ni coach Leo Austria. “But as I said, it is one game at a time dahil before, medyo napaso na kami in 2017. But today is really hard dahil every team is trying to build up their team. Talagang mahirap manalo.”
Magiging krusyal sa kanilang kampanya ang makukuhang import ng SMB sa huling conference ng taon para samahan ang 1976 at 1983 Crispa Redmanizers, 1989 San Miguel Beermen, 1996 Alaska Milkmen at 2014 San Mig Super Coffee Mixers sa grupo ng mga Grand Slam winners.
Umaasa din si Chris Ross na makakabalik si Marcio Lassiter mula sa kanyang left knee injury at makakuha ng magandang pahinga si June Mar Fajardo matapos ang magiging kampanya niya para sa Gilas Pilipinas sa FIBA World Cup.
121