SUMAGWAN ang Pilipinas ng dalawang ginto sa rowing event ng 30th SEA Games kahapon sa Triboa Bay sa Subic, Zambales.
Nanguna si Chris Nievarez sa men’s lightweight single sculls matapos magsumite ng seven minute at 34.27 seconds, habang ang tambalan nina Joanie Delgaco at Jen Caballero ay may 7:24.21 sa women’s lightweight double sculls.
Sumegunda kay Nievarez para sa silver medal si Siripong Chaiwichitchonkul ng Thailand (7:35.1) at ang bronze ay napunta kay Kanan Kusmana ng Indonesia (7:39.54).
Sina Hao Dink Thi at Huyen Ta Thanh ng Vietnam ang kumopo ng silver (7:27.65) sa women’s side at bronze medalist sina Shwe Zin Latt at Win Nilar ng Myanmar (7:40.23).
Samantala, kulelat naman sina Zuriel Sumintac at Nestor Cordova (7:15.04) sa men-pair final, na pinanalunan ng Indonesia (6:58.46), pangalawa ang Thailand (7:05.09) at pangatlo ang Vietnam (7:06.87).
GINTO RIN SA CANOE RACER
NAGTALA si Hermie Macaranas ng 43.60 seconds tungo sa gold medal finish sa men’s 200-meter single canoe race ng 30th SEA Games sa Subic, Zambales.
Ibinulsa naman ni Win Myo Hlaing ng Myanmar ang silver medal (43.75) at ang bronze medal ay iniuwi ni Duong Anh Duc ng Vietnam (44.33).
Una nang humabot ng silver medal si Macaranas noong Biyernes sa 1000-meter event.
148