(NI ANN ENCARNACION)
NAGING magandang buena-mano para sa Philippine team ang gold medal win ni Junna Tsukii’s sa women’s -50kg kumite kamakalawa, nang sundan ito ng isa pang panalo ni Jamie Lim kahapon sa World Trade Center, Pasay City.
Kinolekta ni Lim ang ikalawang ginto ng koponan matapos talunin si Ceyco Zefanya ng Indonesia, 2-1, sa SEA Games Karatedo +61kg Kumite finals.
Nauna rito ay tinalo muna ng Pinay si Audrey Japyus ng Malaysia, 7-2, sa quarterfinal at pagkatapos ay isinunod si Thao Thi Bui ng Vietnam, 5-1, sa semis para sa gold medal match kontra Zefanya.
Hindi naman makapaniwala si Lim sa kanyang pinakabagong achievement lalo’t sandali lang ang naging preparasyon niya para sa 30th Southeast Asian Games.
“Sobrang against the odds po, because ‘yung mga kalaban ko, full-time athletes po sila. Nag-full time lang ako like five months ago,” ani Lim, na pinasalamatan ang kanyang head coach na si Okay Arpa sa kanyang panalo.
Apat na taong hindi lumaban si Lim para magpokus sa kanyang pag-aaral. Noong Hunyo ay gumradweyt siyang summa cum laude at valedictorian sa University of the Philippines College of Science na may Mathematics degree.
” I just graduated, I got my goal sa academics, and I think the signs just told me to. It’s calling me, it’s calling me to come back. So I just went for it, bahala na, just give it your all. It paid off,” tuwang-tuwang sabi ni Lim, anak ni dating PBA ‘Skywalker’ Samboy Lim, na kabilang sa national basketball team na nanalo rin ng ginto sa 1985 SEA Games.
418