PASOK na ang Pilipinas maging ang Indonesia at Japan sa 2023 FIBA World Cup championship dahil sa pagiging host nga mga ito ng nasabing basketball event.
Ang tatlong bansa ay nagsanib puwersa at nanalo sa isang bidding upang maging hosts ng quadrennial basketball conclave kung saan ang Pilipinas ang tatayong main host.
Tiyak man sila sa World Cup, sasabak pa din ang mga ito sa sinasabing “Qualifying Windows” o ang Home and Away Games na kahit na mabokya sa panalo ang tatlong bansa, pasok pa din sila sa 2023 World Cup.
Kamakailan ay pinangalanan ng Samahang Basketbol ng Pilipinas ang 24-man training pool na pagkukunan naman ng mga qualifiers para sa 2021 Asia Cup.
Bukod sa mga well-known PBA players na kasama sa pool, nasa roster din ang mga collegiate standout na sina Kobe Paras, Dave Ildefonso, Justine Baltazar, Isaac Go, Matt at Mike Nieto, JD Tungcab, Allyn Bulandani, Rey Suerte, magkapatid na Juan at Javi Gomez de Liano at Thirdy Ravena.
Sa PBA side, andun pa din ang mga reliable players na sina Troy Rosario, Roger Pogoy, Matthew Wright, Kiefer Ravena, Christian Standhardinger, Ray Parks Jr., Poy Erram, Mac Belo, rookie CJ Perez, Mark Pingris at Japeth Aguilar.
Para sa FIBA Asia gig, malamang ay dominahin ang roster ng PBA players dahil asahan na gagawin ito bilang showpiece ng SBP.
Ngunit dahil pasok na nga ang Pilipinas sa World Cup, hindi ba mas maganda kung gawin na lamang na training ground ang mga FIBA Window games para unti-unti na maging solid ang final roster ng bansa para sa 2023?
Bakit hindi na buuin na ngayon ang pool para sa 2023 na kabibilangan ng mga batang manlalaro?
Hindi nga siguro ito magiging mas makinang o pagbibigyan ng malaking interes ng mga Pinoy basketball fans dahil mga bubuwit pa na maituturing ang mga teenage players ay maaring bugbugin lamang ng mga ibang Asian countries sa qualifiers ngayong taon maging sa 2022.
Ang bansang Indonesia, kamakailan lang ay binuwag ang kanilang elite national team at bumuo ng mga batang players.
Totoo, pulbos ang Indonesia noong nakaraang Southeast Asian Games ngunit ayon sa kanilang national team head coach Rajko Toroman ng Serbia, majority ng mga players na kanilang pinasok sa SEA Games ang tiyak na bubuo ng kanilang final line-up para sa 2023 World Cup.
Kahit na tatalunin pa din natin ang Indonesian team sa 2023, nakatitiyak ako na malaki ang itataas ng lebel ng basketball sa bansang Indonesia sa susunod na dalawang taon. (SPORTS CHAT / Dennis Principe)
121