GILAS PILIPINAS U19, LUHAAN SA GREECE

gilas100

(NI JOSEPH BONIFACIO)

LUHAAN ang Gilas Pilipinas youth squad nang kaldagin ng Serbia, 87-60 at tuluyan nang napatalsik sa kontensyon ng 2019 FIBA U19 World Cup kahapon sa Heraklion, Greece.

Ranked no. 30 sa mundo, pumalag pa sa umpisa ng laro ang Nationals, 22-18 laban sa world no. 4 Serbia, subalit nagpakawala ng mabigat na 17-1 birada ang Serbians upang biglaang ibaon sa 39-19 ang iskor at hindi na nilingon pa ang mga Pinoy.

Umabot pa sa 29 puntos ang kalamangan ng European powerhouse tungo sa malaking 27-puntos na panalo.

Bunsod nito ay swak na sa quarterfinals ang Serbia, kampeon ng FIBA U18 European Championships, kung saan makakasugupa nila ang karibal at world no.3 na Lithuania.

Bumida sa Serbia ang pambatong si Marko Pecarski na humakot ng 21 puntos at 6 rebounds.

Umalalay naman sa kanya sina Filip Petrusic at Dalibor Ilic na may 17 at 13 puntos, ayon sa pagkakasunod.

Sa kampo naman ng Nationals ay patuloy ang impresibong outing ni Dave Ildefonso matapos maglista na naman ng 18 puntos, 3 rebounds at 2 blocks.

Subalit hindi pa rin ito naging sapat nang si Gerry Abadiano lang ang nakasuporta sa kanya sa 12 puntos bukod pa sa 7’2” tower na si Kai Sotto.

Nagre-rehistro ng limang blocks kada laro sa unang tatlong salang ng Gilas, isang tapal lang ang nailista ni Sotto laban sa Serbian, kasama ang 13 puntos at 8 rebounds.

Dahil dito ay hindi na makakaabante pa sa kompetisyon ang Nationals na nagtapos sa kulelat na puwesto ng Pool C matapos ang mga kabiguan kontra sa Greece, 69-85, Argentina, 72-77 at Russia, 64-92.

Ang hahabulin na lang ng Gilas youth ay pumwesto mula 9th-16th sa classification match kontra Australia.

Magaganap ang laban ngayong gabi ng Biyernes, alas- 9:30 ng gabi.

241

Related posts

Leave a Comment