GILAS WOMEN 3×3 PALABAN SA ASIAN CUP

DESIDIDONG bumawi ang Gilas Pilipinas women’s 3×3 team sa FIBA 3X3 Asia Cup sa Singapore.

Nagsimula kahapon (Hunyo 6) hanggang 10 ang torneo kung saan tatangkain ng mga Pinay na bumangon mula sa pagkabigong ipagtanggol ang gintong medalya sa 3X3 competition sa nakaraang 31st Southeast Asian Games sa Hanoi, Vietnam.

Pangungunahan ang national women’s squad ng beteranang si Afril Bernardino, kasama sina Camille Clarin, Khate Castillo at Katrina Guytinco na kasamahan niya rin sa 5-on-5 team.

Maliban kay Bernardino, sasandalan ng Gilas si Clarin ng National University na nag­kampeon sa UAAP Season 84 women’s 3X3 tournament.

Unang beses sa 3×3 inter­national competition nina Castillo at Guytinco, ngunit tiniyak ni head coach Pat Aquino na hinog sila sa laban, maging ang team reserves na sina Claire Castro at Mikka Cacho.

Ayon kay Aquino sa panayam ng RP2, magsisimula na ang kampanya ng Gilas 3×3 women’s ngayon (Huwebes) at inaasahan niya ang matinding kumpetisyon lalo sa Team Thailand. (ANN ENCARNACION)

64

Related posts

Leave a Comment