LIBONG fans na naman ang pinasaya ng Barangay Ginebra noong Biyernes ng gabi.
Kahit nagsimula sa ilalim ng Governors’ Cup ang Kings, hindi iniwan ng fans, todo-suporta ang ginawa hanggang makarating sa finals at muling tinanghal na kampeon.
Talaga yatang kontra-pelo ang Brgy. Ginebra at Meralco. Pang-ilang beses na ng paghaharap nila sa finals noong Biyernes, laging luhaan ang tropa ni coach Norman Black. Lagi silang bridesmaid ba o bestmen? ‘Wag naman sanang forever silang bestmen.
Nakakatuwa rin si Justin Brownlee, maraming nagsabing wala nang ibubuga at hindi na nito kayang buhatin ang Kings. Pero, mas naging motivation pa iyon ng resident import ng Ginebra. Ayun nga at nakakaapat na kampeonato na ‘yung mama sa Barangay.
Maging ang pagkakahirang kay Scottie Thompson bilang BPC (Best Player of the Conference) at Finals MVP ay buhat sa matinding motibasyon din.
Kung matatandaan, katakut-takot na batikos ang ibinato kay Thompson, mula sa mga fans na nakasubaybay sa personal life niya, matapos bigla syang magpakasal sa ibang babae.
Kung binigyang-pansin ni Thompson ang mga batikos, malamang hindi siya nakapagpokus sa basketball.
Pero, hindi niya inintindi. Hindi na nga naman maibabalik ang pangyayari, kasal na siya sa ibang babae.
Para maipagpatuloy ang ikot ng kanyang mundo, nag-pokus siya sa kampanya ng Brgy. Ginebra. At heto na nga ang resulta, BPC at Finals MVP awards!
Sa Meralco Bolts, bawi na lang sa susunod na conference.
NO match si Jonas Sultan kay Paul Butler. Base sa napanood nating laban, inulit lang niya ‘yung naging galaw sa kanyang unang championship fight versus ex-IBF junior bantamweight holder Jerwin Ancajas noong 2018. Unanimous decision din ang resulta nang nasabing laban.
Matapos ang anim na rounds, inakala nating mag-aadjust si Sultan. Pero, nagpatuloy ang galaw niya mula umpisa hanggang matapos ang 12 rounds.
Tanong nga ng maraming nakapanood, hindi ba raw nakita ng cornermen ni Sultan na dapat siyang mag-adjust.
Sa round 10 or 11 binabara-bara na niya si Butler. Dapat inapura niya sa bandang seventh round.
Kung nakapag-adjust si Sultan at hindi niya hinayaang tumakbo-takbo si Butler, baka iba pa ang naging resulta.
Napansin din ng boxing fans, bakit walang kasamang trainer si Sultan? Ang mag-amang Sean at Brendan Gibbons ang nasa corner niya. Bakit nga ba?
Matapos ang Sultan-Butler fight, nagsalita si John Riel Casimero (sa YT channel niya) at sinabing kung siya ang nakalaban ng British boxer hanggang tatlong rounds lang ito.
Well, pwede naman.
Pero, hindi nga nangyari e.
May balitang aakyat ng timbang si Casimero. Pero, walang kumpirmasyon.
Noong hindi matuloy ang laban niya sa Dubai dahil hirap na siya sa timbang, opinyon natin umakyat na siya sa junior featherweight (122 lbs) o ‘di kaya’y sa featherweight (126 lbs). Kaysa naman lagi siyang may problema sa bantamweight.
Dapat isipin ni Casimero, hindi na siya bumabata. Tumatakbo rin ang panahon, pati pagkakataon at oportunidad at nasasayang.
Dapat mag-isip si Casimero, hanapin niya at suriin, ano at saan ba ang problema? Itigil ang pagba-vlog na ang content ay tila lagi siyang may kaaway.
Sana may magpayo sa kanya ng mga dapat gawin at ‘yung ikabubuti niya.
105