INAKAY ni Pocholo Bugas ang Far Eastern University-Diliman sa 2-0 panalo laban sa De La Salle-Zobel sa UAAP Season 82 high school boys’ football tournament, Miyerkoles ng hapon sa Rizal Memorial Stadium.
Naiwan ang U-23 national campaigner na walang bantay sa may penalty area sa 67th minute para tapusin ang tsansa ng La Salle na makaiskor pa.
Ang strike ni Bugas ay kasunod ng goal ni Josel Abundio, apat na minute pa lamang sa laro.
Pinangunahan ni Rafael Aldeguer ang opensa ng La Salle, subalit bigong makaiskor ang Junior Archers.
Sa kabila ng panalo, aminado si FEU-D head coach Park Bobae na kailangan ng defending champions na iangat pa ang kanilang laro hanggang sa final game ng round.
“After that game against [National University], I found some problems with the team,” ani Bobae.
“So after we worked on our mentality, we worked on our combination plays to score.”
Sa unang laro, nailista ng University of Santo Tomas ang unang puntos sa season, nang tumabla sa National University-Nazareth School, 1-1.
Tinapos ni Jan Magbanua ang tagtuyot ng Junior Golden Booters nang makaiskor ito sa 50th minute.
Unang umiskor si Eldrin Madrid ng Bullpups sa 24th minute.
Itataya naman ng FEU, may nine points buhat sa tatlong panalo, ang record nito laban sa Ateneo (6 points, 2-0-1) sa Linggo, ala-1:30 ng hapon. Habang ang UST at La Salle ay magsasagupa sa alas-4:00 ng hapon. (VT ROMANO)
175