DESIDIDONG maging title contender sa darating na UAAP Season 83 women’s volleyball tournament ang Adamson University Lady Falcons kaya maraming pagbabagong gagawin ang team.
Isa sa mga pagbabagong ito ay ang nakatakda nilang training sa itinuturing na ‘region’s volleyball powerhouse country’ Thailand simula Enero 6 hanggang 17.
Nabatid na 17 players ang kabilang sa training camp sa Thailand, kung saan sasamahan sila ng kanilang coach na si Lerma Giron at multi-awarded trainer-mentor na si Tai Bundit.
Sa loob ng dalawang linggong training camp, makikipagsalpukan ang Lady Falcons sa serye ng tune-up games laban sa pinakamagagaling na Thai collegiate teams, at ilang commercial clubs.
Hindi naging maganda ang nakaraang UAAP season para sa Adamson Lady Falcons na tumapos na kulelat o dalawang panalo lang sa 14 na games.
Ito ang dahilan kaya’t napatalsik ang dating head coach na si Air Padda, na pinalitan ni Onyok Getigan.
Nagdagdag din ng mga bagong recruits ang koponan sa katauhan nina setter Louie Romero, Lucille Almonte, Lorene Toring at Rizza Cruz.
Kasama ang sophomore na si Trisha Genesis, at sa ilalim ng pamamahala ni Giron, agad nagpakitang-gilas ang Lady Falcons at tinalo ang University of Sto. Tomas sa Premier Volleyball League Season 3 Collegiate Conference Finals.
Ngayon pa lang ay inaasahan nang hindi mangungulelat at sa halip ay magiging malakas na title contender ang Lady Falcons sa darating na UAAP Season 3, na magsisimula sa Pebrero 2020.
165