(NI ZIA JINGCO)
PANGATLONG pagkakataon nang maghaharap sa finals ang Barangay Ginebra at Meralco Bolts at sa tuwina ay underdog ang huli.
Pormal na magsisimula ang salpukan ng dalawang team sa 2019 PBA Governors Cup Finals Best-of-Seven title series sa Enero 7 (Martes), ganap na alas-7 ng gabi sa Araneta Coliseum.
Aminado si Meralco coach Norman Black na underdog na naman ang Bolts sa nakatakdang muling paghaharap nila ng Gin Kings.
Ngunit kung may Stanley Pringle si Ginebra coach Tim Cone, itinuturing namang alas ng Meralco ang sentro nitong si Raymond Almazan.
Pagdating sa point guard, naniniwala rin si Black na kayang tapatan ni Baser Amer ang mas beteranong si LA Tenorio.
Ayon naman kay Amer, hindi na sila papayag na matatluhan pa ng Ginebra sa Governor’s Cup.
“Kailangan po mag-work hard, tulong tulong kami para po makuha namin ang title,” giit nito.
Taong 2016 nang kunin ng Ginebra ang kampeonato sa anim na games. Nang sumunod na taon naman ay umabot sa full seven-game series ang sagupaan ng dalawa bago kinamkam ng Gin Kings ang pangalawang titulo.
Ngunit taong 2018 ay nasilat ang Barangay ng Magnolia Hotshots sa semifinal round pa lang.
Ito ang dahilan kaya’t gigil si Ginebra resident import Justine Brownlee na mabawi ang kanilang korona.
“It’s good to be in the finals, but we know that at this point, we’re not satisfied. And we want to feel the greatest feeling,” wika ni Brownlee.
Maging ang import ng Meralco na si Allen Durham ay excited nang makaharap sa pangatlong pagkakataon ang kanyang archrival.
“It’s going to be fun. As a competitor, you want to play against the best and he (Brownlee) has shown he’s one of the best imports in the PBA year after year. So definitely, it will be a battle,” sabi ni Durham.
Kapwa dito sa bansa nag-Christmas at New Year’s eve celebration sila Brownlee at Durham at nagkakaisa sila sa pagsasabing nag-enjoy sila ng husto, lalo sa mga pagkain bagama’t nagpigil sila bilang paghahanda sa finals.
169