DALAWANG linggo bago ang pakikipagbakbakan kay Manny Pacquiao, hindi pa rin tinatantanan ng distraksyon ang pasaway na si Adrien Broner.
Katunayan, sa Lunes (Martes sa Manila), haharap si Broner sa dalawang courtroom sa magkahiwalay na lugar, bunga ng dalawang kaso ng sexual misconduct, ayon sa TMZ Sports.
Ayon sa ulat, si Broner ay inaresto noong Pebrero 2018 sa Atlanta sa umano’y kaso ng ‘sexual assault’ sa isang babae sa local shopping mall. Sinabi ng mga pulis na hinawakan ng boksingero ang babae nang walang paalam.
Makalipas ang apat na buwan, muli siyang inaresto, sa Cleveland, Ohio naman nang umano’y daganan ang isang babae sa nightclub at puwersahin itong halikan.
Nahaharap si Broner sa multiple felony counts, kasama ang gross sexual imposition at abduction.
At para namang sinadya, dahil ang dalawang nasabing kaso ay itinakda sa Enero 7 (Enero 8 sa Manila) at dahil imposibleng makadalo siya sa parehong pagdinig, kinakailangan niyang mamili.
Napag-alamang magpapadala si Broner ng abogado para katawanin siya sa Ohio court, kung saan hindi siya inatasang dumalo nang personal.
Kaya, malamang na sa Atlanta court pupunta si Broner.
Nahaharap si Broner sa limang magkakahiwalay na chargers sa nabanggit na dalawang insidente, na kung mapatutunayan, maaari siyang makulong ng siyam na taon.
Bukod sa dalawang court appearance sa Enero 7, dadalo rin si Broner sa korte sa Florida sa Enero 23, bunga naman ng traffic violations.
599