BUBUKSAN ng Arellano University ang kanilang four-peat campaign sa pagsisimula ng NCAA Season 95 women’s volleyball competition sa FilOil Flying V Centre sa San Juan ngayon.
Ang Lady Chiefs ay sasabak kontra Lyceum of the Philippines University sa alas-12:00 ng tanghali, matapos ang maikling opening ceremony sa alas-11:00 ng umaga.
Maghaharap naman ang last season’s runner-up University of Perpetual Help System Dalta at College of St. Benilde sa alas-2:00 ng hapon.
Si last year’s Finals MVP Regine Arocha, kasama si reigning MVP Necole Ebuen, setter Sarah Verutiao, Princess Bello, Carla Donato, Alyana San Gregorio at libero Faye Flores ang muling magpapatuloy ng dinastiya ng Arellano, na sapol noong 2015 ay apat na ang naibubulsang NCAA crown.
Nagkampeon ang AU noong Season 90, ngunit nasingitan sila ng St Benilde noong Season 91. Gayunpaman, muling nakabalik ang Lady Chiefs sa sumunod na season (92) at nagtuloy-tuloy hanggang noong nakaraang taon.
Ang Lady Pirates na iniwan nina Cherilyn Sindayen at Bien Juanillo, matapos makumpleto ang kanilang playing eligibility, ay ibabandera nina Ciamelle Wanta, Monica Sevilla at Alexandra Rafael.
Hindi rin pahuhuli ang Lady Altas, bagama’t graduate na ang top scorer nitong si Cindy Imbo, ay mayroon pa ring alas sa katauhan nina Yanca Tripoli, Shyra Umandal, Jenny Gaviola, Hannah Suico at Alyssa Sangalang.
Sina Matet Pablo, Klarisa Abriam at veteran playmaker Jewel Lai naman ang mangunguna para sa Lady Blazers, kasama sina Gayle Pascual, Michelle Gamit, Mycah Go at Diane Ventura.
Samantala, sisimulan din ng Perpetual Help’s men at juniors team ang kani-kanilang title-retention bid ngayong hapon.
Ang three-peat bid ng Altas ay uumpisahan sa pagsabak kontra College of St. Benilde sa alas-3:30 ng hapon, habang ang high school champion Junior Altas at CSB-La Salle Greenhills ay maghaharap sa alas-5:00 ng hapon. (VT ROMANO)
356