PINOY ATHLETES ‘BUGBOG’ SA 2023

Ni VT ROMANO

MAGIGING sobrang abala ng Pinoy athletes ngayong 2023.

Una sa listahan ang paghahanda sa 32nd Southeast Asian Games sa Mayo 5-17 sa Cambodia.

Ikalawa ang pagsabak sa Asian Games sa Setyembre sa Hangzhou, kasunod ang Asian Indoor Martial Arts Game sa Bangkok (Nobyembre) at World Beach Games sa Bali, Indonesia.

Aminado si Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham ‘Bambol’ Tolentino, naalarma siya sa partisipasyon ng Pilipinas sa SEA Games ­bunga ng ­desisyon ng host Cambodia magdagdag o magsali ng mga event na hindi pamilyar sa ibang kasaling bansa.

“Frankly, kinakabahan ako because of the formula na ginawa ng host country,” pahayag ni Tolentino sa Philippine ­Sportswriters Association (PSA) Forum kamakalawa sa East Ocean ­Palace Restaurant sa Pasay City.

“Medyo mabigat ang ginawa,” dagdag niya patungkol sa dagdag na events na paborable sa Cambodia at pagtanggal sa events na mahina ang kanilang mga atleta.

Para sa bansang mayroon lamang 17 million mamamayan, nag-lineup ang Cambodia ng 608 events sa 49 sports, mas malaki sa 530 events (56 sports) ng Manila edition noong 2019 at sa 526 events (40 sports) sa Hanoi noong nakaraang taon.

Ngunit iginiit ng POC chief, lalaban ang Pilipinas para maiangat ang fourth-place finish sa Vietnam 2022.

Tumapos lang sa eight place ang Cambodia sa nakaraang SEA Games edition na may nine gold medals, 13 silver at 41 bronzes.

Sa 2023 edition, mahirap manalo ng overall title sa Cambodia, pag-amin pa ng POC head.

“Based on their formula hindi kaya mag-first. Pero sasaksak sa taas yun whether second, third or fourth. So baka battle for fourth na naman. Tingnan natin.”

17

Related posts

Leave a Comment