Sa pagkatalo ni Magsayo vs Vargas UBOS PINOY WORLD CHAMPS

Ni VT ROMANO

NADALE si Mark Magsayo ng split decision loss sa kamay ni Rey Vargas, Sabado ng gabi (Linggo sa Manila) sa Alamodome sa San Antonio, Texas.

Resulta: Naagaw sa Pinoy boxer ang WBC featherweight crown, halos lima at kalahating buwan pa lamang niyang isinusuot.

Umiskor sina Judges Tim Cheatham at David Sutherland 115-112 (2x) para kay Vargas at judge Jesse Reyes, 114-113 pabor kay Magsayo.

Bagsak si Vargas sa ninth round nang tamaan ng right hand, subalit bigo si Magsayo ma-follow up ang Mexican fighter, na ginamit ang kanyang taas at haba ng galamay para makipagsuntukan.
Ito ang unang talo ni Magsayo sa kanyang professional boxing career matapos ang 26 sunod panalo (14 KOs).

Tinalo niya si Gary Russell Jr. sa kanilang 12-round title fight noong Enero sa Atlantic City, New Jersey. Habang ikalawang pagkakataon namang tinanghal na kampeon si Vargas, undefeated sa 36 fights (22 KOs). Dati siyang WBC 122-pound champion.

Napahawak si Vargas kay Magsayo nang tamaan ng left hook, 1:30 sa final round. Subalit bigo muli ang Pinoy champ makabitaw ng mas malakas na suntok hanggang tuluyang natapos ang laban.

Makaraang bumagsak ni Vargas sa 1:15 ng ninth round, muli itong nasaktan ni Magsayo ng isa pang kanan sa simula ng 10th round.

Sa 11th round, tumama kay Magsayo ang right hook ni Vargas, pero hindi ininda ng Pinoy boxer.

Bunga ng pagkatalo ni Magsayo, wala nang world boxing champion ang Pilipinas.

Nalagas ang world champion ng bansa sapol nang matalo si eighth division world champion Manny Pacquiao kay Yordenis Ugas noong Agosto 2021. Sumunod na natalo si Jerwin Ancajas (IBF junior bantamweight) sa kamay ni Fernando Martinez noong Pebrero.

Kontrobersiyal naman ang nangyari kay WBO bantamweight champion John Riel Casimero, nahubaran ng titulo bunga ng pagsalungat umano sa boxing rules sa UK laban kay Paul Butler noong Abril, dahilan para hubarin sa kanya ang belt.

Buwan ng Hunyo naman nang muling mabigo si Nonito Donaire Jr. na talunin si Naoya Inoue ng Japan sa kanilang rematch para sa unification match. At huling naagawan ng titulo si Rene Mark Cuarto noong nakaraang buwan.

72

Related posts

Leave a Comment