WINAKASAN ng Magnolia Hotshots ang apat na taong tagtuyot sa kampeonato, matapos dispatsahin ang Alaska Aces, 102-86 at angkinin ang 2018 PBA Governors’ Cup crown sa Game 6, Miyerkoles ng gabi sa Ynares Center sa Antipolo City.
Isang magandang pamasko sa fans ang pagkakapanalo ng Magnolia, na huling nanalo ng korona noong 2014 Governors’ Cup dala ang pangalang San Mig Coffee, tinalo ang Rain or Shine sa five games upang kumpletuhin ang Grand Slam sa ilalim ni coach Tim Cone.
Pinangunahan ni import Romeo Travis ang Hotshots sa kanyang double-double performance – – 32 points, 17 rebounds at 6 assists. Nagdagdag si Ian Sanglang ng 16 at 13 naman mula kay Mark Barroca, na tinanghal na Finals MVP.
Sinimulan ng Magnolia ang Game 6 sa pamamagitan ng 12 sunod na puntos, kasama ang magkasunod na lay-up nina Barroca at Travis, para agad tumawag ng timeout si Alaska coach Alex Compton.
Pagkatapos ay umiskor na rin ang Aces buhat sa three-pointers nina Chris Banchero at Kevin Racal.
Subalit, bawat basket ng Aces ay tinatapatan ng Magnolia. Matapos ang 19-12 count, nagpasabog ng 11-2 rin ang Hotshots tungo sa 30-14 lead.
Natapos ang first half na lumobo na ang kalamangan ng Magnolia, 60-42.
Umabot pa ng 20 points ang kalamangan ng Magnolia, 85-65, matapos ang tres ni Paul Lee, 10:30 sa laro.
Naghabol pa ang Alaska sa huling 4:32, nang limang sunod na puntos ang iambag ni Simon Enciso, 91-79.
Pero, hanggang doon na lang ang paghahabol ng Alaska nang ipako ni Barroca ang isang floater.
Sa panalo ng Magnolia, ‘grand slam’ ang San Miguel Corporation, dahil ang tatlong conference ay iniuwi ng tatlong franchise teams nito.
Ang San Miguel Beer ang kampeon sa Philippine Cup, sinundan ng Barangay Ginebra sa Commissioner’s Cup at itong Governors’ Cup sa Magnolia. (VTRomano)
516