PINAG-AARALAN ng Department of Trade and Industry ang pagpapataw ng Suggested Retail Price sa presyo ng mga ibinebentang laptop at tablet kasunod ng paglobo ng demand nito dahil sa online schooling ng mga estudyante.
Sa panayam, sinabi ni Trade Undersecretary Ruth Castelo sa Teleradyo, na ipinag-utos na ito ni Trade Secretary Ramon Lopez.
Kasalukuyan ding inaalam ng mga otoridad kung may mga nagaganap na hoarding o profiteering kaya tumataas ang presyo.
Makikipagpulong ang DTI sa mga distributor at importer kaugnay sa supply at sa presyo ng mga produkto.
“We’ll make sure po, on the part of the consumer protection ng DTI, utos din ni Sec. Lopez na bantayan natin pati ang suplay, hindi lang po ‘yung presyo na patuloy nating pag-aaralan but also the supply,” sinabi ni Castelo.
Payo naman ni Castelo sa mga konsumer na pag-aralang mabuti ang “specifications” ng laptop dahil marami namang available o mabibili na sakto lang sa budget.
Hinimok din niya ang publiko na idulog sa kanila ang mga nananamantala. (CATHERINE CUETO)
204 