NANUMBALIK sa aking alala ang mga nakagawian nuong ako ay bata pa. Kailangan mo lamang sumigaw ng Suko Na, Time-Out Munan kung ikaw ay talagang pagod na sa paglalaro ng habulan o patintero.
Kasunod nito ay sasalampak na kami sa bangketa para magplano ng panibagong laro na hindi naman nakakapagod.
Ganito na rin marahil ang nararamdaman ng ating mga doktor at iba pang health workers kung kaya sila ay nanawagan sa ating gobyerno na time-out muna at muling pagplanuhan ang epektibong pamamaraan sa problemang kinakaharap dulot ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Pangunahing batayan ng apatnapung medical associations ay ang bagong 3,954 kaso ng COVID-19 nitong Hulyo 30 at paglobo sa 4,963 nitong Agosto 1. Nasambit tuloy ni Dr. Jose Santiago, pangulo ng Philippine Medical Association na “Our health workers are burnt out with the seemingly endless number of patients trooping to our hospitals for emergency care and admission,”.
Hindi maaring balewalain ang mga ganitong pahayag ng mga doktor na nangangalaga sa ating mga mamamayan na nagkakasakit. Mistula na silang nakikipaghabulan sa kamatayan at sa sobrang pagod ay napapasigaw na ng Suko na, Time-out na muna!
Malaki ang epekto ng paglobo ng datos ng mga apektado ng COVID-19 virus hindi lamang sa mga nasa Pilipinas. Lubha rin naapektuhan ang mga OFW na pabalik na sana sa ibang bansa. Ngunit ng dahil sa lumabas na balita at datos na paglobo ng nahawahan ng COVID-19 virus, ay napabilang ang Pilipinas sa listahan ng bansa na pansamantalang hindi maaring direktang makalipad sa bansang Kuwait.
Dahil dito ay nanganganib na tuluyang hindi makabalik ang mga OFW na nabinbin ang pagtungo sa Kuwait at maaring tuluyan nang mawalan ng trabaho dahil sa pagkapaso o expired na ang kanilang residence visa.
Kung patuloy na lolobo ang datos ay maaring matakot rin ang iba pang bansa at magkaroon ng kaparehong patakaran na katulad ng Kuwait na hindi payagan ang mga OFW na makapasok sa
kanilang bansa.
Kung magyayari ito ay malamang na tuluyan nang mawawalan ng trabaho ang maraming OFW at tuluyan nang magsasara ang mga ahensya at iba pang negosyo.
Kaya importanteng pakinggan ang hinaing ng mga samahan ng mangagamot at ibalik sa enhanced community quarantine (ECQ) ang Mega Manila sa loob ng dalawang lingo upang makabalangkas ng mas epektibong estratehiya ang mga doktor at iba pang frontliners laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) upang baka sakaling hindi na kumalat pa ang mga naglipanang virus carrier.
Maaring makakaapekto sa ekonomiya ang muling pagdeklara ng ECQ, ngunit sa aking pananaw ay mas nakakabahala kung dumating ang pagkakataon na magkaisa ang mga health workers na pansamantalang huminto sa kanilang mga tungkulin, dahil tiyak na mas matindi ang epekto nito sa ating mamamayan at sa ekonomiya ng bansa.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa e-mail address saksi.ngayon@gmail.como drchieumandap@yahoo.com o tumawag sa (02)84254256.
