HABANG nagkukumahog ang sektor ng edukasyon sa paghahanda para sa pagbubukas ng mga klase ngayong Oktubre, pabor dito ang inyong lingkod at sinusuportahan natin ang inisyatiba ng Department of Education na magdaos ng mental sessions para sa mga pinuno o opisyal nito.
Inihayag kamakailan ni Education Secretary Leonor Briones na ang ahensya ay nagsagawa ng Kaginhawaan for Top Leaders of DepEd sessions na naglalayong tiyakin ang kalusugan ng kaisipan.
Suportado natin ang naging inisyatiba ng DepEd ukol sa mental health. Ang malinaw na pag-iisip ay kinakailangan sa pagharap sa mga hamon na kinakaharap ng sektor ng edukasyon dahil sa pandemya – ang ating mga pinuno ay kinakailangang magkaroon ng maaliwalas na kaisipan habang pinaplano nila kung paano haharapin ng ating mga paaralan ang mga pagbabagong ipinilit sa atin ng COVID-19.
Gayunpaman, ang DepEd ay dapat ding gumawa at magsulong ng kahalintulad na programa para sa mga guro at iba pang education personnel na nasa ibaba. Ang ating mga guro ay nahaharap din sa iba’t ibang mga pagkabalisa hinggil sa di tiyak na kalagayan na kanilang nararanasan sa buhay. Hindi lang mental health, kundi overall health ang dapat na siguruhin natin para sa ating mga guro at iba pang education frontliners.
Kaugnay nito, sang-ayon tayo sa panawagan ng iba pang mga kampo na i-realign ang 29 bilyong pisong budget ng departamento ng edukasyon para sa rehabilitasyon ng mga gusali ng paaralan tungo sa pagbibigay ng health support sa mga guro, pati na rin ang pag-procure ng mga kinakailangang kagamitan.
Hangga’t maaari ay dapat nating ibuhos ang lahat ng mga pagsisikap upang pagtuunan ng pansin ang nararamdamang takot ng ating mga guro at iba pang frontliners, at sa paggagarantiya na sila ay fully equipped.
Ang pagpapaliban ng pagbubukas ng klase sa mga paaralan mula Agosto hanggang Oktubre ay dapat magbigay ng mas maraming oras para sa DepEd upang maglatag ng isang mas ligtas at mas epektibong sistema.
Umaasa tayong gagamitin ng DepEd ang extension na ito para punan ang mga pagkukulang at ayusin ang mga dapat ayusin para sa mga estudyante, at maging sa mga guro.
