DALAWANG isyu ang iwinasiwas at ipinangkumbinsi ng ABS-CBN Corporation sa labing isang kongresista at sa publiko na suportahan ang hinihingi nitong 25-taong prangkisa sa mababang kapulungan ng Kongreso.
Ito ay ang malayang pamamahayag o “press freedom” at ang trabaho ng mahigit 11,000 mga manggagawa ng ABS-CBN.
Hindi natinag ang 70 sa 85 kongresistang kasapi ng House Committee on Legislative Franchises at Committee on Good Government and Public Accountability sa “pagpatay” sa prangkisa ng ABS-CBN.
Nagbabalita noon ang ABS-CBN, sa pamamagitan ng TV Patrol at Bandila.
Nagbabalita rin ang DZMM at ang ABS-CBN News Channel (ANC).
Ngunit, hindi nagpraktis ng malayang pamamahayag ang ABS-CBN, DZMM at ANC dahil hindi ibinalita, inilantad at inupakan ng tatlong ito ang lahat ng isyu at suliranin ng bansa.
Isa na riyan ang napakalawak na pananamantala ng mga kapitalistang Filipino sa milyun-milyong manggagawa sa lahat ng panig ng bansa.
Nasaan ang sinasabi ninyong malayang pamamahayag?
Halimbawa, ang walang tigil na pagbira ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Manila Water Company Inc. at Maynilad Water Services Inc. ay sinabayan ding birahin ng Saksi Ngayon ang dalawang kumpanyang ito ng mga oligarko.
Hindi nagawa ng ABS-CBN, DZMM at ANC ang tuluy-tuloy na pag-upak sa Manila Water at Maynilad dahil mayroon pang pag-aaring share of stocks ang pamilya Lopez sa Maynilad.
Maging ang PrimeWater Infrastructure Corporation ng mga Villar ay naupakan din ng Saksi Ngayon.
Nabatikos ba ng ABS-CBN, DZMM at ANC ang PrimeWater?
Inihayag ba nila ang pagpatay ng maraming lider-manggagawa?
Tapos, sasabihin nilang nawalan ng malayang pamamahayag sa Pilipinas dahil hindi inaprubahan ang kanilang prangkisa?
Anong klaseng utak mayroon kayo?!
Nang matapos ang 25 taong prangkisa ng ABS-CBN noong Mayo 4, hindi tumigil ang ABS-CBN, DZMM at ANC sa pag-interbyu sa mga politiko at kung sinu-sinong personalidad na magtatanggol sa pagkakaroon nila ng panibagong 25 taong prangkisa.
Iyan ba ang klase ng malayang pamamahayag na gustong mamayani ng ABS-CBN sa Pilipinas?
Kung tungkol naman sa mga manggagawa ng ABS-CBN ang pag-uusapan, kahit kailan hindi ibinigay ng mga may-ari at pamunuan ng kumpanyang ito sa libu-libo nilang manggagawa ang mga itinakda at ipinag-utos ng Saligang Batas at mga batas – paggawa, partikular ang pagiging regular sa trabaho.
Iyon ngang mga manggagawa ng ABS-CBN na nagsampa laban sa kanila ng mga kasong paglabag sa mga batas-paggawa ay pinanindigan ng mga may-ari at namumuno ng nasabing kumpanya sa National Labor Relations Commission (NLRC) hanggang sa Court of Appeals (CA) na hindi nila empleyado.
Simula noong panahon ni Corazon Cojuangco Aquino hanggang Mayo 3 ng taong kasalukuyan ay makapangyarihan at kumita nang limpak-limpak na salapi ang ABS-CBN, ngunit hindi naging regular ang pinakamalaking bilang ng mayorya ng mahigit 11,000 empleyado nito.
Tapos, ngayon iwinawasiwas at iginigiit ng ABS-CBN at ng kanilang mga kakampi na kawawa ang mahigit 11,000 empleyado ng nasabing kumpanya dahil wala na silang trabaho.
Pokaragat na ‘yan!
Kung talagang mahal nila ang mga manggagawa, bakit hindi naging paksa ng mga interbyu ng mga reporter ng ABS-CBN, DZMM at ANC ang mga lider -manggagawa upang talakayin ang pagpapabaya ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa milyun-milyong nawalan ng trabaho noong lockdown sa maraming bahagi ng bansa.
Hindi nila ininterbyu ang mga lider-manggagawa upang malaman ng publiko ang totoong dahilan sa P5,000 ayudang-pinansiyal sa mga manggagawa at P10,000 sa mga overseas Filipino worker (OFW).
Hindi rin pinagtuunan ng pansin ng ABS-CBN, DZMM at ANC ang 7.3 milyong manggagawa na nawalan ng trabaho sa unang kwarter ng 2020.
Dapat, lahat ng mga manggagawang nawalan ng trabaho ay suportahan at ipaglaban ng ABS – CBN, DZMM at ANC at ng mga tagasuporta nila.
Hindi lang ang kunya-kunyariang mahigit labing-isang libong manggagawa nila ang kailangang ipagtanggol.
BADILLA NGAYON Ni NELSON BADILLA
255
