Susi sa Olympic gold-goal ni Eumir Marcial

KINAILANGAN ni boxing ­trainer Freddie Roach ang ­siyam na taon bago makakita ng isang ‘Muhammad Ali’ na pumasok sa pintuan ng kanyang Wild Card Boxing Gym sa Hollywood at pakiusapan siyang pamahalaan ang ­paghahanda sa kanyang ­napiling propesyon.

Taong 2001 noon, katatapos lang makumpleto ang konstruksiyon ng Wild Card nang ang isang patpatin at putlaing Pilipinong boksingerong nagngangalang Manny Pacquiao ay pumasok sa pintuan at nagsabing kailangan niya ng isang trainer.

“I defied the advised of my guru (Eddie Futch) not to put up this gym and just concentrate in training boxers,” kuwento ni Roach sa reporter na ito ilang taon na ang nakalilipas. “Eddie told me owning a gym was a money-losing proposition.”

“Maybe true, maybe not. Maybe it’s pure guts on my part, but the truth was Manny came from nowhere, walked through that door and I embraced him as my own son,” pagtatapat ni Roach.

Hindi naglaon, ang ngayon ay Senador nang si Manny ay tinanghal na kaisa-isang nilalang sa balat ng lupa na ­naghahawak ng di kukulangin sa isang dosenang pandaigdig na ­kampeonato sa hindi mapapantayang walong dibisyon.

Humigit-kumulang isang buwan na ngayon, isa na namang Pilipino, ang Olympian na si Eumir Marcial, ang namataang pumasok sa pintuan ding iyon at gaya ng kanyang bantog na kababayan ay nakiusap sa pamosong trainer na ­tulungan siyang maghanda para maisakatuparan ang matagal na niya at ng kanyang mga ­kababayang pangarap na kauna-unahang medalyang ginto mula sa Olimpiyada.

Hindi sinabi ni Roach, ang pitong beses na tinanghal na “Trainer of the Year” ng Boxing Writers Association of America, kung anong naisip niya nang kanyang paunlakan ang pakiusap ni Marcial maliban sa nakita niyang dedikasyon at determinasyon ng Pilipino amateur boxer na magtagumpay sa kanyang napiling propesyon.

Kung gaano ka-determinado si Marcial ay ito lamang ang nabigkas ni Hall of Fame trainer: “Only a few days after he started working in the camp, his brother passed away.

But instead of going home for the funeral, he chose to stay to continue his ­training.”

“Deep inside, I know he was hurting, but his action not to at least have a glimpse of his brother’s remains was proof of his dedication and determination to becoming the best just like Manny, who, he told me is his idol,” wika ni Roach.

Bago ito, noong Oktubre 29, ang ­Zamboanguenyong may ranggong numero 2 sa 75-librang dibisyon sa amatyur ay isinantabi ang selebrasyon ng kanyang ika-25 taong kaarawan para aniya’y di ­masayang ang mga nakuha niya sa isang linggong ­pamamalagi sa kampo.

“He’s really serious in wanting to give the ­Philippines an Olympic gold medal and perhaps another world boxing belt,” paniniguro ni Roach.

“Like Manny, Eumir loves the Philippines so much,” paliwanag niya na idinugtong pang: “Marcial is very intelligent and bright. He’s a wily, skillful left-hander, hits hard, moves fast for his weight (middleweight) and I see him to be succeeding in what he wants sooner or later. That’s for sure.”

Isa sa pitong supling ng dati ring boksingerong si Paul, ang 1947 New England featherweight champion, at Barbara Roach, si Freddie at apat na kapatid ay nalulong sa boksing sa paghihikayat ng kanilang ama.

“I was the best fighter in the house,” nagbibirong sabi ni Freddie. “As an amateur, I fought a total 150 bouts, winning 141 of them, good enough to earn for me slot in the United States Olympic boxing team trials.”

Naging alternate si Freddie ng koponan ng U.S. sa 1976 Montreal Games, isa sa pinaka-magaling na American Olympic teams na ­kinabibilangan ng mga ­dakilang sina Sugar Ray Leonard at Spinks ­brothers – Leon and Michael.

Bininyagang “La Cucaracha” at “Choir Boy,” si Roach ay isinilang noong Maso 5, 1960, nag-pro noong 1978 sa edad na 18 at nagretiro makaraan ang 10 taon na may 39-13 panalo-talong rekord at 15 knockouts. Ilan sa mga nakalaban niya ay sina Hector Camacho, Greg Haugen at Bobby Chacon.

Inamin niyang boksing ang kanyang buhay kung kaya pagka-retiro, naging assistant siya ng maalamat na trainer na si Eddie Futch, na pinagkatiwalaan siyang humawak at ­gawing kampeon sina Pacquiao, Olympic silver medalist Amir Khan at isang dosena pang iba katulad nina Juan Manuel Marquez, Floyd Mayweather Jr., Mike Tyson, Bernard Hopkins at Pilipinong si Brian Viloria.

Bagama’t ang boksing ang nakapagdala sa kanya sa kasalukuyang kalagayan niya, ito rin ang nakapagdulot kay La Cucaracha ng karamdaman – ang Parkinson’s ­disease na naging dahilan ng mahirap na paglakad, utal na pananalita at iba pang paghihirap na pisikal.

Sa kabila nito, naging mabuti rin sa kanya ang ganoong buhay at naging matagumpay sa kanyang propesyon.

Roll on, Freddie, help Eumir give the Philippines its first ever Olympic gold medal. We’ll love you more for that!

154

Related posts

Leave a Comment