Suspek nagtangkang magpakamatay BEBOT KINATAY NG DATING KA-LIVE-IN, 1 PA SINAKSAK

patay

CAVITE – Patay ang isang 31-anyos na ginang habang kritikal ang isa pang biktima makaraang pagsasaksakin ng dating live-in partner ng una at pagkaraan ay nagsaksak din sa sarili ang suspek sa Imus City sa lalawigang ito, noong Huwebes ng hapon.

Kinilala ang biktimang namatay na si Janna Harodin Jama ng Brgy. Buhay na Tubig, Imus City habang kritikal ang kalagayan sa pagamutan ng isa pang biktimang si Jovelyn Grama Lucero, nasa hustong edad.

Nilalapatan naman ng lunas sa ospital ang suspek na si Roger Sta. Ana Pahayahay, 54, ng Rodriguez, Rizal matapos na magsaksak sa sarili.

Ayon sa ulat ni P/SMSgt. Luis Divina ng Imus City Police, alas-2:40 ng hapon nang puntahan ng suspek ang biktima na dati nitong live-in partner, sa Ramirez Compound, Buhay na Tubig, Imus City.

Ngunit ang kanilang pagkikita ay nauwi sa mainitang pagtatalo hanggang sa pagsasaksakin ni Pahayahay si Jana.

Tinangka naman ni Jovelyn na awatin ang suspek ngunit maging siya ay pinagsasaksak din ng suspek.

Nang makitang kapwa duguan ang dalawang biktima ay tinangka ng suspek na magpakamatay sa pamamagitan ng pagsaksak sa kanyang sarili.

Namatay noon din si Janna habang isinugod sa Las Piñas General Hospital and Satellite Trauma Center si Jovelyn. Dinala naman sa Ospital ng Imus ang suspek.

Ayon kay Divina, sinusundo ng suspek ang dati nitong live-in partner at hinikayat na muli silang magsama ngunit tumanggi ang biktima.

Nabatid na tatlong taong nagsama ang dalawa at nagkaroon ng isang anak ngunit naghiwalay dahil sa pananakit ng suspek sa ginang.

Kasalukuyang may kinakasama nang iba ang biktima.

(SIGFRED ADSUARA)

190

Related posts

Leave a Comment