ARESTADO ang isang company driver na suspek sa carnapping, sa isinagawang operasyon ng Cainta Municipal Police Station Warrant Tracker Team, bilang lead unit, katuwang ang Provincial Highway Patrol Team-Rizal, sa Taytay, Rizal noong Hunyo 2, 2025.
Kinilala ni PCol. Felipe Maraggun ang suspek na si alyas “Mario”, 53, residente ng Brgy. San Juan ng nasabing bayan, itinuturing na most wanted person ng Rizal PNP.
Ayon kay Maraggun, inaresto ang suspek sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong paglabag sa R.A. No. 6539 o Anti-Carnapping Act, na may inirekomendang piyansa na halagang P180,000.
Batay sa imbestigasyon, ang insidente ay nangyari noon pang 2013, kung saan itinakbo umano ng suspek ang minamanehong taxi sa Pasig City.
Dahil dito, sinampahan ito ng kasong carnapping ng operator ng taxi ngunit nagkubli ang suspek sa batas sa loob ng mahigit isang dekada.
Nang tanungin ng mga awtoridad kung nasa kanya pa ang nasabing taxi, palusot ng suspek ay iniwan daw niya sa Pasig ang minamanehong taxi sa hindi malamang dahilan.
Kasalukuyang nakakulong pansamantala ang suspek sa Cainta Custodial Facility para sa dokumentasyon at tamang disposisyon.
(NEP CASTILLO)
