LEYTE – Nadiskubre ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Army 802nd Infantry Brigade (802Bde), 14th Infantry Battalion (14IB) at 93rd Infantry Battalion (93IB) ang taguan ng bomba at mga bala ng komunistang New People’s Army sa Barangay Tinambacan, sa bayan ng Jaro, sa lalawigang ito.
Ayon kay B/Gen. Zosimo A. Oliveros, pinuno ng Army 802 Brigade, nahukay ng kanyang mga tauhan ang anim na bala ng 60mm mortar at mga bala ng matataas na kalibre ng baril sa pinagbaunan ng mga teroristang NPA sa Barangay Tinambacan.
Sinasabing natunton ng mga sundalo ang imbakan ng war materials ng CPP-NPA matapos na ituro ni Ka Saag, isang dating miyembro ng teroristang CPP-NPA na kumikilos sa Leyte sa ilalim ng Eastern Visayas Regional Party Committee (EVRPC), na kamakailan ay boluntaryong sumuko at nagbalik-loob sa pamahalaan.
Ayon sa dating teroristang NPA, ang nahukay na mga pampasabog (bala ng mortar) ay gagamitin ng teroristang CPP-NPA sa kanilang mga operasyon. Ito ay kanilang inimbak sa naturang lugar.
Sa tulong at rebelasyon ni Ka Saag, noong ika-26 ng Abril 2021 ay natagpuan sa isang masukal na bahagi ng Brgy. Patag, Ormoc City ang kuta ng mga teroristang CPP-NPA na mayroong mga tunnel o lagusan na nagsisilbing taguan at pagawaan ng mga pampasabog. (JESSE KABEL)
309 