Kung maaalala, nagkaroon ng kautusan ang Korte Suprema na nagsasabi na ang lahat ng power supply agreement (PSA) na isinumite pagkaraan ng ika-30 ng Hunyo 2015 ay kinakailangang sumailalim sa isang competitive selection process (CSP). Ito ay upang mabigyan ng pagkakataon ang mga supplier ng kuryente na mag-bid para sa kontrata sa distribyutor ng kuryente gaya ng Meralco at upang masiguro na makukuha ng mga konsyumer ang kasunduan na makabubuti sa mga ito. Alinsunod sa kautusang ito, isinagawa sa unang pagkakataon ang CSP para sa 1,200 MW na kontrata na kailangan ng Meralco.
Ang ginanap na CSP noong ika-9 ng Setyembre ay makasaysayan dahil ito ay inaasahang magdadala ng malaking pagbabago pagdating sa presyo ng generation charge sa industriya. Ang presyo ng generation charge na inihain ng mga nanalong kompanya sa bidding ay mas mababa pa sa kasalukuyang presyo ng generation charge. Ang mga kompanyang ito ay ang Phinma Energy Corp., San Miguel Energy Corp., at South Premiere Power Corp.
Upang masigurong magiging maayos ang proseso, binuo ang Third Party Bids and Awards Committee (TPBAC) na pinamumunuan ni Atty. Ferdinand Domingo, isang eksperto pagdating sa lokal at internasyonal na bentahan. Kasama rin niya ang dating kalihim ng Department of Trade and Industry (DTI) na si Adrian S. Cristobal, Jr.
Matapos ang dalawang araw, isinagawa ang ikalawang CSP sa pangangasiwa muli ng TPBAC. Ito ay para sa 500 MW na supply na kailangan ng Meralco para sa susunod na limang taon simula sa ika-26 ng Disyembre 2019. Sa bidding na ito, idineklarang panalo ang First Gen Hydro Power, Phinma Energy Corp., at South Premiere Power.
Sa inaasahang pagbaba ng presyo ng generation charge bunsod ng mga bagong PSA ay nangangahulugan na mas makatitipid ang mga konsyumer sa mga susunod na buwan lalo na sa implementasyon ng mga bagong kontrata sa ika-26 ng Disyembre. Tinatayang aabot sa halagang P9.46 bilyon taun-taon sa loob ng susunod na 10 taon ang matitipid ng mga konsyumer. Para naman sa 500 MW na kontrata, aabot ng P4.4 bilyon taun-taon sa loob ng susunod na limang taon ang matitipid ng mga konsyumer.
Bukod sa mas pinababang presyo ng generation charge para sa mga konsyumer, ang pagtatayo ng mga bagong planta ng kuryente sa bansa ay isa rin sa mga konkretong hakbang ng Meralco upang masigurong magkakaroon ng sapat na supply ng kuryente sa bansa. Ito ay upang maiwasan ang pagkakaroon ng talamak at matagal na pagkaantala ng serbisyo ng kuryente na kagaya ng nangyari noong panahon ng 1990s.
Ito na ang panahon kung saan ang mga konsyumer ang tunay na panalo at makikinabang dahil sa mas pinababang presyo ng generation charge. Ang mga kondisyon sa kontrata ng mga PSA ay pabor din sa mga konsyumer. Ayon kay Phinma President at CEO John Eric T. Francia, sila ay nagdesisyong lumahok sa bidding sa kabila ng mataas na peligrong maaaring idulot ng kontrata sa kanilang negosyo dahil sinusuportahan nila ang ideyolohiya ni Meralco President at CEO Atty. Ray C. Espinosa na unahin ang kapakanan ng mga konsyumer. Batid din ito ni SMC President at COO Ramon S. Ang na lumahok din sa CSP sa kabila ng mababang presyo ng bidding na kanyang inilarawan bilang pigang-piga.
Isang maliwanag at maunlad na kinabukasan ang naghihintay para sa ating lahat kung magpapatuloy ang pagtutulungan ng mga miyembro ng industriya ng kuryente. (Sa Ganang Akin /Joe Zaldarriaga)
