LAGI nating naririnig na kapag nagkaroon ng giyera, ang laging talo ay ang mga sibilyan dahil sila ang naiipit at biktima ng nag-uumpugang puwersa na ang pangunahing layunin lang ay kapangyarihan.
Totoo naman dahil mas marami ang namamatay na sibilyan kaysa mga sundalo ng magkabilang panig. Ang mga sibilyan ang mga nagugutom hindi ang mga sundalo. Ang mga sibilyan ang nawawasak ang kabuhayan, hindi ang mga sundalo.
Pero hindi lang sa giyera laging talo ang mga tao, Mas madalas talunan sila kapag nagluklok sila ng mga maling tao sa gobyerno para sila ay pamunuan sa mahaba-habang panahon.
Nagkakaroon ng pag-asa ang mga tao kapag panahon ng eleksyon dahil sa wakas mapapalitan na ang gobyerno. Sa wakas, magkakaroon ng bagong lider na ang akala natin ay mag-aangat sa ating lahat at higit sa lahat ay sa bansa.
Pero madalas nai-scam tayo dahil ang inakala natin na lider na iniluklok natin sa pedestal ay hindi pala tupa kundi kambing na nagbalatkayo lang sa panahon ng eleksyon.
Hindi ko masisisi ang mga tao na iboto ang mga pulitiko dahil ang tingin natin sa kanya ay may paninindigan, may isang salita, may political will, matapang at walang sinasanto.
Lalo tayong naba-batobalani sa mga pulitikong nangangako sa atin na siya ang tatapos sa katiwalian sa gobyerno, siya ang magpapaunlad sa ating bayan na hindi nagawa ng mga nauna sa kanya.
Nama-magnet nila ang mga tao sa kanilang mga pangako na magkakaroon ng kapayapaan sa ating bansa, walang sino mang bansa na puwedeng umangkin kahit isang dangkal na teritoryo dahil itataya niya ang kanyang buhay para sa bayan.
Tatapusin niya ang problema sa trapik, ilegal na droga, itataas niya ang sahod ng mga karaniwang manggagawa, titiyakin niya ang kalusugan ng mamamayan dahil ang isang malusog na mamamayan ay bunga ng maunlad na bansa.
Pero kapag naupo na, nakalimutan ang mga pangako sa mga Filipino at sumusuko sa laban lalo na sa katiwalian dahil mahirap daw gawin kung hindi babaguhin ang sistema ng gobyerno.
Matatapos ang termino, wala pang natutupad sa pangako tulad ng pagsugpo sa katiwalian sa gobyerno na siyang pangunahing nagpapahirap sa mamamayang Filipino.
Talagang hindi masusugpo ang katiwalian kung ipagtatanggol mo ang mga taong gumagawa ng kabalbalan at sumisira sa imahe mo imbes na kastiguhin mo at parusahan.
Talagang hindi mawawala ang katiwalian kung ang mga nakapaligid sa iyo ay hindi pagsisilbi sa bayan ang dahilan kung bakit sila nandyan sa gobyerno kundi para magsamantala.
Hinding-hindi rin magtatagumpay ang kampanya laban sa katiwalian sa gobyerno kapag ang mga nakapaligid sa iyo na negosyante ay pagnenegosyo ang dahilan nila kung bakit sila nakadikit sa ‘yo.
Tulad na lamang itong overpriced na medical kits na binili ng procurement service ng Department of Budget and Management (DBM).
Imbes na 5 tao ang nabigyan ng facemask, naging isa na lang. Imbes na 12 tao ang nabigyan ng face shield, naging isa na lang.
Sino ang magsasabi na walang katiwalian d’yan? Hindi ang gobyerno ang ninakawan kundi ang mamamayan dahil ang pera na ipinambili ng medical
kits ay hindi pera ng presidente… pera ‘yan ng mamamayan. Talong-talo ang mga tao!
263 