SA hinaba-haba ng panahon ng pagpapatupad ng pamahalaan sa pwersahang pagpapagamit ng face shields sa bansa, muling lumutang ang mga panawagan para sa pagbabasura ng patakarang dagdag pasakit sa naghihirap na mamamayan.
Sa pulong ng mga alkalde ng iba’t ibang lungsod ng National Capital Region (NCR), napagkaisahan nilang bawiin ang mga ordinansa kaugnay ng panuntunan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF).
Ang tanong – bakit ngayon lang nanindigan ang mga punong lungsod sa Metro Manila?
Ang totoo, wala naman talagang ano mang siyentipikong batayan ang nakapagpatunay na mabisang pang-iwas sa pagkahawa sa nakamamatay na COVID-19 ang face shields na ngayon ay simbolo ng katiwalian, bunsod ng eskandalong kinasangkutan ng matataas na opisyal ng pamahalaan.
Bagkus, naging pabigat pa sa mamamayang napipilitang bumili ng face shields na gawang Tsina sa hangaring makaiwas sa direktibang aresto sa mga indibidwal na walang suot nito.
Malinaw rin namang pinagkakitaan lamang ng matitikas na mga kaalyado ng Pangulo ang polisiyang nagpayaman sa mga kroni at tiwaling kasapakat na biglang yaman sa pagdurusa ng bayan.
Sa hanay naman ng mga alkalde, malinaw rin naman ang kanilang adyenda – ang magpapogi sa kanilang nasasakupan lalo pa’t kaunting kembot na lang halalan na naman.
Bagama’t nakalulugod ang posisyon ng mga NCR mayor, hindi magiging lubos ang magandang balita sa mamamayan kung hindi rin naman kakatigan ng Malakanyang.
Aba! Sigaw ni Juan dela Cruz – Hindi pa ba busog ang mga nasa pamahalaan? O baka naman sila’y nalulugod habang ang mga Pilipino ay naghihikahos?
Ang siste, gaya-gaya lang naman ang mga Metro Manila mayor sa kumpas ng prinsesang anak ng Pangulo.
Kung tutuusin, ang Metro Manila ang higit na apektado. Sa aspeto ng populasyon, nawalang trabaho, naluging negosyo, gutom at kahirapan – NCR ang number one!
Kung bayag lang ang pagbabasehan, wala nito ang mga mayor sa Metro Manila. Isa lang ang malinaw na dahilan sa kanilang isusulong na panawagan – pogi points para sa nalalapit na halalan.
177 