TAMANG GIBAIN ANG MGA GUARD HOUSE SA PRIVATE SUBDIVISIONS SA QC

NAGTAPOS na rin ang matagal nang modus na paniningil ng bayad sa mga motoristang dumadaan sa mga gate ng mga pribadong subdibisyon sa Quezon City makaraang ipag-utos ni Mayor Joy Belmonte ang paggiba sa mga ito.

Sinimulan noong nakaraang linggo ng mga tauhan ng Department of Public Order and Safety (DPOS) ang mga guard house sa mga pribadong subdivision na sakop ng Brgy. San Bartolome sa Novaliches, ­Quezon City.

Ito ay ang mga California Village, Kingspoint Subdivision, Goodwill Subdivision at Sierra Vista Subdivision kung saan ang mga guard house nito ay pinagkakakitaan ng homeowners’ associations.

Ayon sa DPOS, naniningil daw ang ilang homeowners’ association sa bawat motoristang dumaraan sa kanilang subdivision na aabot ng P200 kada araw.

Sinabi pa ng DPOS na ang mga guard house ay maituturing ding “road ­obstruction” sa mga pampublikong lansangan.

Dati nang sinabi ng ­gobyerno na dapat ang mga pribadong subdivision ay bukas sa mga sasakyan para makaiwas sa ­matinding trapik sa mga pangunahing lansangan.

Sa halip na sundin ang kautusan, lalo pa nilang higpitan ang mga sasakyan na dumadaan sa kanila.

Lahat sila ay nag-iisyu ng sticker sa mga residente ng kanilang subdivision para sa loob ng isang taon na may kaakibat na babayaran.

Sa mga hindi naman residente ng nasabing mga subdivision, sinisingil nila ng P5 hanggang P10 bawat daan ng mga sasakyan.

Ang kalakarang ito ng mga pribadong subdivision ay matagal nang ginagawa, ngunit ngayon lang naaksiyunan.

Marami na rin ang ­reklamo sa mga ito na mistulang sinasarili na nila ang mga kalye sa kanilang subdivision na dapat maging bukas ito sa mga sasakyang dumadaan.

Partikular na inireklamo sa PUNA ay ang guard house sa Jordan Plains Subdivision sa Brgy. Sta. Monica, Novaliches kung saan matatagpuan ang ­Quezon City Mini City Hall at Brgy. Hall ng Sta. Monica.

Sa dalawang gate nito ay naniningil ang mga guwardiya  ng bayad mula sa mga dumadaang motorista.

Magandang access sana ang Jordan Plains dahil mabilis makalabas patungong Commonwealth Avenue galing sa kabayanan ng Novaliches kung tuluyang ipagbawal ng Quezon City government ang paniningil at paghihigpit ng homeowners’ association ng subdivision.

Ang matindi pa nito pagdating ng alas-10 ng gabi ay sarado ang dalawang gate ng Jordan Plains na kahit may emergency ay hindi na nila pinapadaan ang mga sasakyan.

Kailangan pang baybayin ang Quirino Highway patungo sa SM Fairview bago makalabas ng Commonwealth Avenue.

Kung tuluyang mabubuksan  para sa mga sasakyan ay malaking tulong ito para sa mga motorista.

Ang paniningil sa mga motorista ng mga pribadong subdivision ay deka-dekada nang ginagawa ng homeowners’ association.

Ang nasisingil kasing pera ng mga pribadong subdivision ay dito kinukuha ang kanilang magpasweldo sa kanilang mga guwardiya.

Kaya, tama lang na ipatigil ni Mayor Belmonte ang matagal nang kalakaran ng mga pribadong subdivision.

Suhestiyon ng ating taga-subaybay sa Quezon City government na ipatupad sa lahat ang nasabing kalakaran, ‘wag sa iilang pribadong subdivision para tuluyan nang maibsan ang trapiko sa mga pangunahing lansangan.

                                                                                                                                                                         oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email joel2amongo@yahoo.com o magtext sa cel# 0919-259-59-07.

184

Related posts

Leave a Comment