PATAY ang tatlo katao habang hindi bababa sa 10 katao ang sugatan makaraang mawalan ng preno ang isang trailer truck at naatrasan ang mga sasakyan sa Marikina, Miyerkoles ng alas-11:00 ng gabi.
Hawak na ng Marikina City Police Station ang driver ng SHACMAN Trailer Truck na may plakang AIA-4084 na si Gabriel Almeda, 54-anyos, tubong Kalinga, Apayao.
Batay sa salaysay ni Almeda, habang papaahon siya sa bahagi ng eastbound ng Fortune Avenue ay nawalan ng preno ang truck dahilan upang maatrasan niya ang mga sasakyan na sumusunod sa kanya.
Sa ulat, nina PSSG Jonnie D. Silva at PSSG Raffy C. Caralinio, kabilang sa naatrasan ang isang SUV, dalawang jeep at dalawang sedan.
Umabot naman sa mahigit anim na oras ang isinagawang rescue at retrieval operation ng BFP, PNP, DRRMO, LGU, at mga volunteer sa mga biktima.
Kabilang sa binawian ng buhay ang 53-anyos na jeepney driver na pinakahuling narekober dahil kinailangan pang gamitan ng crane at backhoe para mabuhat ang container van na dumagan sa kanya at ang mag-ina na sakay ng sedan.
Mahaharap ang suspek sa kasong Multiple Homicide with Multiple Physical Injuries and Multiple Damage to Property.
(TOTO NABAJA)
