DALAWANG operasyon ng Small Town Lottery (STL) ang nangyayari ngayon sa probinsiya ng Albay. Isang legal na may prangkisa mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) at isang illegal na mismong mga pulls pa ng Albay Police Provincial Office ang protektor.
Ayon sa mapagkakatiwalaang source, mismong mga tauhan ng Albay Police Provincial Office (PPO) ang nagsisilbing escort ng mga kubrador ng illegal na bookies.
Binabantayan ang bawat galaw ng mga legal na STL collectors saka pipiliting i-bookies ang karamihan sa kanilang pataya araw-araw, bagay na dapat agapan nina DILG Sec. Benhur Abalos, Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) general manager Mel Robles at Philippine National Police (PNP) chief Gen. Benjamin Acorda, Jr.
Nagtataka ang mga residente sa Albay kung bakit kailangang eskórtan ng mga pulis-Albay ang mga kobrador ng legal na STL.
“Iyon pala, pipilitin silang i-bookies o huwag nang i-remit ang tunay na kubransa para sila mismong mga pulis ang kumikita at hindi ang legal na may-ari ng STL sa aming probinsiya,” sabi ng isang importante.
Ang STL operation sa Albay ay legal sa pamamagitan ng lisensiyang nakuha mula mismo sa PCSO.
Pag-aari ityo ng New Royal Fortune Gaming Corporation na desididong gagawing legal ang lahat ng kanilang pataya at operasyon.
Nagtataka ang management ng New Royal Fortune Gaming Corporation kung bakit karamihan sa kanilang mga kubrador ay inaalalayan ng mga pulis-Albay hanggang sa mabuko na binu-bookies na ang kanilang pataya.
Idinagdag ng importante na bawat remittance station ng bawat bayan at siyudad sa Albay ay pinalalagyan ng pulis.
Ito’y upang magbantay at makialam sa STL operation at makapag-bookies ng illegal na pataya, ayon pa sa source.
Dahil dito, nais ng mga residente sa Albay na paimbestigahan ang galaw ng ilang tiwaling pulis ng Albay PPO na nasa ilalim ng pamamahala ni Col. Jhun Cunanan bilang police provincial director.
Madalas, maging ang ilang miyembro ng Intelligence Unit ng Albay PPO ay palaging naka-escort sa mga kolektor ng legal na STL. Ang hepe ng Intelligence unit ng Albay PPO ay si Lt. Col. Tapel.
Mahalaga aniya na mamonitor ang bawat galaw ng ilang tiwaling miyembro ng Albay PPO dahil milyon piso ang nawawala sa kubransa ng legal na STL na malaking bagay sana para magamit sa social services ng pambansang pamahalaan.
Isang mataas na opisyal mula sa Albay PPO ang nagdidikta umano para maniobrahin ang kubransa ng legal na STL sa probinsiya.
Si police official ay madalas ding nagyayabang na malakas siya kina Sec. Abalos, Gen. Acorda at GM Robles ng PCSO.
Kinakasangkapan din nito ang pangalan ni Albay Gov. Grex Lagman at dating kongresman.
Ang kasabwat ng naturang police official ay dati nang illegal bookies operator ng STL sa probinsiya na may alyas Jayson M at Dong DS.
