NAGHAIN si Senator Mark Villar ng panukalang batas na naglalayong magkaloob ng tax credits sa mga negosyong nagbibigay ng mandatoryong diskuwento sa senior citizens at persons with disabilities (PWDs), upang mabawasan ang pinansiyal na pasanin ng mga establisimyento habang napapanatili ang mga benepisyo ng mga naturang sektor.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 2494, o ang panukalang “Tax Credit for Senior Citizens and Persons with Disability Discount Act,” layong amyendahan ang Republic Act No. 9994 o Expanded Senior Citizens Act of 2010, at Republic Act No. 7277 o Magna Carta for Persons with Disability.
Ayon kay Villar, hindi ganap na nababawi ng mga negosyo ang halaga ng mga mandatoryong diskuwento sa pamamagitan ng kasalukuyang tax deduction system, na nagdaragdag sa kanilang gastusin, lalo na sa mga micro, small and medium enterprises (MSMEs).
Iminumungkahi ng panukala na gawing tax credits sa halip na tax deductions ang mga kuwalipikadong diskuwentong ibinibigay sa senior citizens at PWDs, upang direktang maibawas ang halaga ng mga ito sa obligasyong buwis ng mga negosyo sa ilalim ng National Internal Revenue Code.
Sa ilalim din ng panukala, maaaring dalhin sa mga susunod na taon ng pagbubuwis ang hindi nagamit na tax credits mula sa mga diskuwento para sa senior citizens. Gayunman, hindi maaaring i-refund o ilipat sa ibang tao o entidad ang mga ito.
Mananatili naman ang kasalukuyang tax deduction mechanism para sa minimum na limang porsiyentong diskuwento sa kuwalipikadong buwanang konsumo ng senior citizens sa tubig at kuryente.
Binigyang-diin ni Villar na mahalagang mapanatili ang mga benepisyong panlipunan para sa senior citizens at PWDs, kasabay ng pagtiyak na hindi lubusang maipapasa sa mga negosyo ang gastos sa pagpapatupad ng mga diskuwentong ipinag-uutos ng batas.
Ayon sa senador, layunin ng panukala na magkaroon ng mas patas na sistema na kapwa magpoprotekta sa mga benepisyaryo at tutulong sa mga negosyo na mapanatili ang kanilang operasyon at makapag-ambag sa ekonomiya.
(DANNY BACOLOD)
103 