NAKIISA si House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa pagdiriwang ng ika-125 anibersaryo ng Philippine Coast Guard (PCG) nitong Biyernes sa Eva Macapagal Super Terminal sa South Harbor, Maynila.
Binigyang-diin ng Pangulo ang pangangailangang palakasin ang kakayahan ng PCG sa gitna ng lumalawak na hamon sa seguridad at kaligtasan sa karagatan.
Dumalo rin sa pagdiriwang sina Department of Transportation Acting Secretary Giovanni Lopez, Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla, at PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Marcos na dapat tiyakin ng mga hakbang sa seguridad pandagat ang kaligtasan at kabuhayan ng mga Pilipino, partikular ng mga mangingisda at komunidad sa baybayin, habang pinangangalagaan ang pambansang interes.
Ang pagdiriwang ay may temang “One Sea, One Mission, One Legacy: 125 Years of Guarding the Nation’s Maritime Future” at sinabayan ng paggawad ng mga parangal sa mga kawani ng ahensiya.
Kasabay nito, binigyang-pansin ang panukalang Revised Philippine Coast Guard Law o House Bill No. 11562, na ipinasa ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa noong Oktubre 6.
Layunin ng panukala na palakasin ang organisasyon, kakayahan sa operasyon at mga benepisyo ng mga tauhan ng PCG upang higit na matugunan ang mga aksidente sa karagatan, ilegal na aktibidad, sakuna sa kapaligiran at banta sa seguridad pandagat ng bansa.
Kabilang sa mga probisyon ng panukala ang pagpapahusay ng mga kagamitan at pasilidad para sa search and rescue, maritime surveillance, komunikasyon at pagtugon sa mga emergency, gayundin ang pagpapatibay ng mga hakbang laban sa ilegal na pangingisda, human trafficking, smuggling at iba pang krimen sa karagatan.
Itinatakda rin ng panukala ang pagbibigay ng sahod, hazard pay at iba pang benepisyo sa mga tauhan ng PCG na katumbas ng benepisyo ng mga kawani ng Armed Forces of the Philippines na may katumbas na ranggo.
Kabilang din sa mga probisyon ang tulong medikal, pensiyon para sa kapansanan, benepisyo sa pagreretiro at suportang pinansiyal para sa mga kwalipikadong naulilang pamilya ng mga tauhang nasawi sa pagtupad sa tungkulin.
Ayon kay Marcos, nagsagawa ang PCG ng mahigit isang milyong inspeksiyon sa mga sasakyang pandagat bago bumiyahe sa buong bansa sa nakalipas na taon. Nailigtas o nailikas din umano ng ahensiya ang halos 95,000 katao at natulungan ang tinatayang 138,800 indibidwal sa panahon ng mga sakuna at emergency.
Bukod sa mga reporma sa organisasyon at benepisyo, itinatadhana rin sa panukala ang pagtatatag ng Philippine Coast Guard Academy, pagpapalakas ng mekanismo ng pananagutan sa loob ng ahensiya at pagbuo ng puwersang reserba na maaaring tumulong sa mga operasyon sa panahon ng pambansang emergency at kalamidad.
78 