Kinilala ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang 11 persons of interest na umano’y may kaugnayan sa tangkang pagpupuslit sa Pilipinas ng 521 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng tinatayang ₱3.5 bilyon, na nasabat ng mga awtoridad sa Laos noong Oktubre 1, 2026.
Sa isang press briefing, ipinakita ni Interior Secretary Jonvic Remulla, kasama si PDEA Director General Isagani Nerez, ang link diagram na nag-uugnay sa mga persons of interest, kabilang ang mga hinihinalang nagpondo at nag-ayos ng pag-upa sa pribadong jet na gagamitin sa pagdadala ng ilegal na droga.
Ayon sa mga opisyal, natukoy ang ilang personalidad sa pamamagitan ng pagsusuri sa mga transaksiyon sa bangko. Kabilang umano sa mga kinilala ang isang mambabatas at isang miyembro ng kapulisan.
Ipinaliwanag naman ni PDEA Assistant Secretary Renato Gumban, Deputy Director General for Operations, ang hinihinalang papel ng bawat indibidwal sa tangkang pagpapasok ng malaking kargamento ng ilegal na droga sa bansa.
Ayon kay PDEA spokesperson Atty. Joseph Frederick Calulut, nagpapatuloy ang case build-up laban sa mga person of interest at posibleng maisampa ang mga kaukulang kaso sa loob ng buwan.
Nilinaw din ng PDEA na nirentahan lamang ang pribadong jet sa isang kumpanya at hindi ito pag-aari ng sinumang pulitiko o negosyante na iniuugnay sa kaso.
Batay sa flight plan na nakuha mula sa mga dayuhang katuwang ng ahensiya, nagmula sa Malaysia ang eroplano, lumipad patungong Laos at nakatakdang bumiyahe patungong Maynila bago bumalik sa Malaysia.
Gayunman, hindi na ito nakarating sa Ninoy Aquino International Airport matapos masabat ang kargamento sa Laos.
Samantala, sinabi ng National Bureau of Investigation na natukoy rin nito ang hindi bababa sa 10 indibidwal at entidad na posibleng may kaugnayan sa nabigong drug shipment.
Inihayag ni Remulla na hihilingin niya sa Kongreso na magpasa o mag-amyenda ng batas upang maituring na mga teroristang grupo ang mga sindikato ng ilegal na droga.
Ayon sa kalihim, ipinakikita ng kakayahan ng mga hinihinalang sangkot na umupa ng pribadong jet at magdala ng malaking dami ng droga ang lawak ng kanilang operasyon.
Posible ring madagdagan ang 11 persons of interest habang nagpapatuloy ang imbestigasyon at may mga bagong pangalang lumilitaw, ayon kay Remulla.
(JESSE RUIZ)
285 