MULING tiniyak ng Department of Justice (DOJ) ang paninindigan ng Pilipinas laban sa parusang kamatayan kasunod ng pagbisita ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, kinatawan ng ikalawang distrito ng Pampanga, sa kagawaran.
Ayon kay DOJ Undersecretary Raul Vasquez, bumisita si Arroyo upang talakayin ang mga hakbang na maaaring isulong upang mahikayat ang iba pang bansa sa Asya na talikuran ang death penalty.
Nagsisilbi si Arroyo bilang commissioner ng International Commission Against Death Penalty at naging facilitator ng trilateral dialogue sa pagitan ng Pilipinas, Timor-Leste at Cambodia.
Layunin ng dayalogo na palakasin ang mga hakbang para sa pagpawi ng parusang kamatayan at hikayatin ang iba pang bansa sa rehiyon na magpatupad ng mga katulad na patakaran.
Nilinaw ni Vasquez na walang usaping pampolitika na tinalakay sa pagbisita ni Arroyo sa DOJ.
Tiniyak din ng kagawaran na mananatili ang pagtutol ng Pilipinas sa parusang kamatayan, alinsunod sa mga umiiral na batas ng bansa, kabilang ang Republic Act No. 9346, na nagbabawal sa pagpapataw ng death penalty.
Nilagdaan ang naturang batas ni Arroyo noong siya pa ang pangulo ng bansa.
Bagama’t hindi direktang natalakay sa kanilang pagpupulong, binanggit din ng DOJ ang kaso ni Mary Jane Veloso, ang Pilipinang nahatulan ng kamatayan dahil sa kasong may kaugnayan sa droga sa Indonesia, bilang isa sa mga halimbawang nagpapakita ng kahalagahan ng paninindigan ng Pilipinas laban sa parusang kamatayan.
Sa kabila ng pagkakaiba-iba ng mga sistemang pampolitika at kultura sa mga bansa sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), patuloy na isinusulong ng Pilipinas ang paggalang sa karapatang pantao at ang pagpawi ng parusang kamatayan sa rehiyon.
(JULIET PACOT)
123 