TELCOS KINALAMPAG SA MABILIS NA INTERNET SPEED

HINILING ni Sen. Grace Poe sa lahat kompanya ng telekomunikasyon na patuloy na madaliin ang konstruksiyon ng mga cell tower at paglalagay ng fiber optic cable, lalo na’t pinaikli na ang proseso ng pagkuha ng mga kinakailangang government permit.

“Inaasahan ng ating mga kababayang dodoblehin pa natin ang ating pagsisikap para magkaroon ang lahat ng mas mabilis at maaasahang serbisyo ng internet,” saad ni Poe.

Batay sa Ookla Speedtest Global Index, ang bilis ng internet sa Pilipinas ay umakyat na sa 84th spot nitong Abril, mula sa dating 122nd spot sa katulad ding buwan noong nakaraang taon.

Ang bilis ng fixed broadband sa bansa ay tumaas sa 58.73 megabits per second (Mbps) nitong Mayo, kumpara sa 49.31 Mbps ng Abril ng taong ito. Samantala, ang mobile speed nitong Mayo ay umaabot sa 31.97 Mbps kumpara sa 29.12 Mbps noong Abril.

“Lalo nating higitan ang ating pagtutulungan upang mabigyan ng konektibidad ang lahat ng tahanan sa Pilipinas na umaasa rito para maitawid ang kanilang pamilya sa gitna ng pandemya,” sabi ni Poe na kamakailan ay nagpaalala sa mga telco na garantiyahan ang serbisyo lalo na sa mga lugar na ‘di pa naaabot nito sa bansa.

Minamandato ng Republic Act 11494 o Bayanihan to Recover as One Act ang pagpapabilis ng proseso ng pagkuha ng mga government permit sa pagtatayo ng mga imprastraktura ng internet—mula sa dating isang taon na kasalukuyang pitong araw na lamang.

Nitong Marso 2021, 2,860 permit at clearance sa 460 lokal na mga komunidad ang naaprubahan na, ayon sa Department of Information and Communications Technology.

Target ng bansa—na sa kasalukuyan ay may 20,000 na mga cell tower—na makapagpatayo ng 50,000 na mga cell tower para mapalawak ang internet coverage.

Kasabay nito, nanawagan din si Poe sa lahat ng kabahaging ahensya ng gobyerno at maging mga homeowners association na bigyang daan ang pagtatayo at pagkakabit ng internet infrastructure lalo na sa mga lugar kung saan ang mga estudyante at guro ay kinakailangan pang pumunta o umakyat sa mga delikadong lugar para lang makahanap ng signal. (ESTONG REYES)

159

Related posts

Leave a Comment