MAKARAANG paulanan ng bato ng mga residente ang demolition team, natuloy pa rin ang paggiba sa mga kabahayan sa Jose Abad Santos Avenue malapit sa Antipolo St., Tondo, Manila nitong Huwebes ng umaga.
Dala ang court order, sinimulang gibain ng demolition team ang mga kabahayan sa lugar ngunit sinalubong sila ng umuulan na mga bato at bote, gayundin ang nagrespondeng mga tauhan ng Jose Abad Santos Station 7 ng Manila Police District.
Bunsod nito, sumaklolo ang mga miyembro ng District Mobile Force Battalion, Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU) SWAT team, at Station Tactical Motorized Rider’s Unit.
Kabilang din umano sa tinamaan ng mga bato sina Awie Sia Bolong Sy at Edward Tan, kapwa konsehal ng Distrito 2 at kaalyado ni Manila Mayor Isko Domagoso.
Tumagal ng kalahating oras bago natigil ang kaguluhan at payapang itinuloy ang demolisyon sa area na tinatawag na “Pulong Diyablo”.
Wala namang nasaktan sa mga pulis at mga residenteng apektado ng isinagawang demolisyon.
(RENE CRISOSTOMO)
73
