MAITUTURING na kahibangan ang isiniwalat ni House Speaker Lord Allan Velasco na kung sila lang sa Kongreso ang masusunod ay palalawigin nila ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.
“Sa tingin ko lang po, ang mga kasamahan po natin dito, hindi lang nagsasabi, siguro at the bottom of their—sa nilalaman po ng puso nila, kung pwede pong i-extend talaga ‘yong termino n’yo po Pangulo, mas magandang i-extend,” ani Velasco.
Ginawa ni Velasco ang nasabing pahayag sa pulong ng PDP-Laban noong Martes ng gabi para kumbinsihin si Duterte na ituloy ang pagtakbo nito bilang pangalawang pangulo sa 2022 election.
Ipinaliwanag ni Velasco na bagama’t marami na umano ang nagawa ni Duterte sa loob ng 5 taon nito bilang pangulo ay nais nilang magkaroon pa ng tuloy-tuloy na pagbabago.
“Ang sabi nga namin, ang six years being a president ay talagang kulang,” ani Velasco na vice chairman for external affairs ng administration party kung saan tumatayong chairman si Duterte.
Aminado naman si Velasco na imposible na itong mangyari dahil malapit na ang 2022 election at sa katunayan ay maghahain na ang mga kandidato ng kanilang certificate of candidacy (COC) sa Oktubre o tatlong buwan mula ngayon.
Dahil dito, hinikayat ni Velasco si Duterte na magdesisyon na ito ngayon pa lamang kung tatakbo bilang pangalawang pangulo upang mapaghandaan na ito at matiyak ang kaniyang panalo.
Wala pang pinal na desisyon si Duterte kung tatakbo subalit sa inagurasyon ng LRT-2 extension projects kamakailan ay sinabi nito na ibilang na siya sa presidential candidates. (BERNARD TAGUINOD)
251 