THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO
NITONG nakaraang linggo, pumasok na naman ang isang bagyo sa bansa. Nakababahala ang mga post sa social media, na nagsimula nang bumungad ang matinding epekto ng Bagyong Kristine sa Bicol at marami pang bahagi ng Calabarzon na naapektuhan nito. Ayon sa datos ng National Risk Reduction and Management Council o NDRRMC, umabot sa mahigit 40 ang kumpirmadong nasawi at libu-libo ang nawalan ng tahanan at kabuhayan.
Nagdulot ng pagbaha, pagguho ng lupa, at pagkasira ng imprastruktura ang bagyo. Pero sa gitna nito, muling ipinakita ng bayanihan ang tibay ng loob ng mga Pilipino, habang nagsanib-puwersa na rin ang iba’t ibang indibidwal, grupo at mga ahensya para bumangon sa kalamidad. Tipikal ito sa mga Pilipino na agarang nagtawag para sa mga donasyon na makatutulong sa mga napinsala ng bagyo.
Totoo namang nagbibigay-liwanag sa gitna ng ganitong mga sitwasyon ang malawakang pagtutulungan ng bawat komunidad. Siyempre, nandiyan na nakatutuwang makitang nagkakaisa ang mga lokal na pamahalaan, non-government organization, at mga ordinaryong mamamayan para magbigay ng pagkain, damit, at iba pang pangunahing pangangailangan sa nasa evacuation centers. Sa kabila ng hirap at hamon sa pag-abot ng tulong sa mga lugar na mahirap puntahan dahil sa mga landslide at baha, hindi nagpatinag ang frontliners at rescuers na nagsasakripisyo rin para makatulong sa iba.
Kabilang sa hindi tumigil sa pagtatrabaho ang mga tauhan ng utility companies kagaya ng Meralco, ang distribyutor ng kuryente sa Metro Manila at bahagi ng Calabarzon. Agarang rumesponde ang mga linecrew para maibalik ang serbisyo sa mga customer nito na nawalan ng kuryente, na ayon sa kumpanya ay umabot ng mahigit 566,000. Maraming pasilidad ng Meralco kagaya ng poste at mga linya ng kuryente, ang naapektuhan ng malakas na hangin na nagdulot ng pagbagsak ng mga puno at ng malakas na ulan. Pero nangako ang kumpanya na hindi titigil hangga’t maibalik ang kuryente sa lahat ng naapektuhan.
Kaya nakatutuwa rin na sa kabila ng social media posts na galit dahil hindi agad naibalik ang serbisyo ng kuryente, marami namang nagpakita ng pagpapahalaga at nagpahayag ng pasasalamat at appreciation sa mga linecrew na nagtataya rin ng kanilang kaligtasan para mabigyan ng liwanag ang marami. Ilang araw matapos hagupitin ng bagyo ang mga lugar na nasasakupan ng kumpanya, naibalik na sa halos lahat sa mga apektadong customer ang serbisyo ng kuryente.
Marami talagang pagsubok kapag malakas ang bagyo, lalo na’t maraming mga komunidad sa bansa ang vulnerable sa epekto na ito. At bilang isang bansa na madalas tamaan ng mga bagyo, mahalaga ang pagkakaroon ng long-term na mga hakbang para mabawasan ang epekto ng mga ganitong kalamidad.
Kailangan nating pagtibayin, sa pangunguna ng mga lokal na pamahalaan, ang disaster preparedness at pagkakaroon ng epektibong early warning systems para magabayan ang mga komunidad sa tamang paghahanda. Kasama rito ang pagpapakalat ng impormasyon sa mga komunidad, partikular sa flood-prone areas at masigasig na pagmo-monitor sa sitwasyon. Usapin din ang pondo para sa flood control projects na dapat magamit kung para saan talaga ang mga ito.
Isa pa sa kumalat sa social media ang pagprotekta ng Sierra Madre, ang pinakamahabang bulubundukin sa bansa, na nakatutulong para proteksyunan tayo sa malalakas na bagyo. Makatutulong ang pagtatanim ng mga puno sa kabundukan at pagprotekta sa mga likas na yaman.
Sa kabila ng matinding pinsala ng bagyong Kristine, muling nagbigay ng pag-asa at inspirasyon ang bayanihan at bagama’t mahalaga ang patuloy na pagtutulungan, kailangan din nating maging mas handa sa mga paparating pang bagyo para ma-manage ang epekto nito.
21