NAGPASALAMAT si Alyansa Para sa Bagong Pilipinas campaign manager at Navotas City Rep. Toby Tiangco nitong Miyerkoles sa partidong Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD) at sa pangulo nito na si House Speaker Martin Romualdez sa pagbibigay ng buong suporta sa Senate slate na ineendorso ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ayon kay Tiangco, ang matatag na suporta mula sa Lakas-CMD, kabilang ang mga gobernador, mambabatas, at mga lokal na opisyal ng partido, ay malaking tulong sa kampanya ng 11-miyembrong Alyansa slate para makakuha ng mayorya sa Senado sa darating na halalan sa Mayo.
“Lubos kaming nagpapasalamat kay Speaker Romualdez at sa buong Lakas-CMD sa tiwala at dedikasyon nila,” ani Tiangco.
“Ang suporta nila ay nagbibigay sa aming kampanya ng lakas at organisasyong kailangan para maabot ang mas maraming botante sa buong bansa,” dagdag niya.
Sa isang pagtitipon sa Imelda Hall, Aguado Residence sa Malacañang nitong Martes, hinimok ni Romualdez ang mga miyembro ng Lakas-CMD na tiyaking solid ang boto para sa lahat ng kandidato ng Alyansa, na tinawag niyang “mapagkakatiwalaan, subok na, at personal na pinili ng Pangulo.”
Sinabi rin ni Tiangco na nagkakaisa ang Alyansa slate sa layuning suportahan ang mga repormang isinusulong ng Pangulo.
“Sa tulong ng Lakas-CMD, kumpiyansa kami na ang mga mamamayan ay pipili ng mga lider na makikipagtulungan sa administrasyon para sa tunay na pag-unlad,” aniya.
Kabilang sa mga kandidato ng Alyansa sina dating Department of the Interior and Local Government Sec. Benhur Abalos, Makati City Mayor Abby Binay, Sen. Ramon “Bong” Revilla, Sen. Pia Cayetano, dating Sen. Panfilo “Ping” Lacson, Sen. Lito Lapid, dating Sen. Manny Pacquiao, dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III, Senate Majority Leader Francis “Tol” Tolentino, ACT-CIS Rep. at dating Department of Social Welfare and Development Sec. Erwin Tulfo, at House Deputy Speaker Camille Villar.
