TIBAY AT PAGTUTULUNGAN NG PILIPINO SA PANAHON NG KALAMIDAD

KASABAY ng patuloy na ­pagharap sa mga pagsubok na dala ng pandemyang COVID-19 sa bansa ay ang pagdating ng pagsubok dala ng sunud-sunod na bagyong pumasok sa Pilipinas.

Tatlong bagyo agad ang pumasok sa bansa sa loob lamang ng dalawang linggo.

Ang isa pa sa tatlo ay ang bagyong Rolly na siyang natukoy bilang pinakamalakas na bagyo sa buong mundo para sa taong 2020.

Umabot sa 20 ang bilang ng mga nasawi at 26 naman ang naitalang sugatan sa pananalanta ng bagyong Rolly.

Nasa 100,000 na pamilya at 368,000 katao ang inilikas ng pamahalaan bilang paghahanda sa pananalanta ng nasabing bagyo. Karamihan sa mga inilikas ay mula sa rehiyon ng Bicol at Calabarzon.

Karaniwang umaabot sa bilang na 20 ang bagyong dumadaan sa ating bansa. Ang bagyong Rolly ang naitalang ika-19 at ito ay agad na sinundan ng bagyong Siony, ang ika-20 bagyo ng bansa.

Nag-uumpisa sa buwan ng Hunyo hanggang Oktubre ang panahon ng bagyo sa bansa ngunit dahil sa climate change, napansing ang panahon ng tag-ulan ay umaabot na hanggang katapusan ng taon.

Sa kabila ng mabibigat na pagsubok mula sa pandemya at sa pananalanta ng mga bagyo, nananatiling matatag ang mga Pilipino.

Sa ganitong panahon mas lumalabas ang pagkakaisa ng pamahalaan at ng pribadong sektor.

Bunsod ng matinding ­paghahanda sa pagpasok ng mga bagyo, mababa ang bilang ng mga naitalang nasawi at sugatan hindi katulad noong pananalasa ng bagyong Yolanda noong 2013.

Malaking pasasalamat ang dapat ibigay sa pamahalaan, partikular na sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Nagpakita ng matinding pagsuporta ang MVP Group of Companies sa pamahalaan. Gaya ng ginawa ng NDRRMC, ang mga kumpanya sa ilalim ng MVP Group of Companies gaya ng PLDT-Smart, Meralco, at Tollways ay nagsagawa ng ­sariling paghahanda para sa pagpasok ng mga nasabing bagyo. ­

Siniguro ng mga nasabing ­kumpanya na magpapatuloy ang operasyon ng mga ito 24/7 sa kabila ng pagdating ng bagyo.

Ayon kay Manuel V. ­Pangilinan, ang chairman ng MVP Group, ang restoration team ng PLDT-Smart at ng ­Meralco ay nakaantabay at handang rumesponde sa mga customer na maaaring maaapektuhan ang serbisyo.

Siniguro rin ng Meralco na mayroong sistemang nakahanda ang kumpanya upang maibsan ang magiging epekto ng pananalasa ng bagyo.

Nakaantabay ang mga crew ng Meralco upang agad na rumesponde sa mga mawawalan ng kuryente dahil sa bagyo.

Nangako rin si Pangilinan na pakikilusin ang mga sangay nito na namamahala sa mga relief operation at gawaing medikal.

Ang isang positibong bagay na laging nakikita sa panahon ng kalamidad ay ang hindi matatawarang pagkakaisa ng mga Pilipino.

Kahanga-hanga rin ang pagtutulungan sa pagitan ng pamahalaan at ng pribadong sektor.

Bunsod nito, ako ay naniniwala na kakayanin ng mga Pilipino anumang kalamidad ang dumating sa ating bansa dahil hindi hahayaan ng mga Pilipino ang pabayaan ang kapwa Pilipino.

400

Related posts

Leave a Comment