TIGIL-PASADA NG PISTON KASADO SA HUWEBES

NAGBABALA ng malawakang transport strike ang grupong PISTON sa darating na Huwebes, Marso 19 bilang protesta sa patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

Pangungunahan ng mga driver, operator at mga tagasuporta ang tigil-pasada na inaasahang gaganapin hindi lamang sa National Capital Region (NCR) kundi pati sa iba pang bahagi ng bansa.

Ayon kay PISTON National President Mody Floranda, hindi sapat ang P5,000 fuel subsidy na ibinibigay ng pamahalaan sa mga tsuper upang maibsan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.

Dagdag pa niya, hindi umano masasagot ng pansamantalang ayuda ang lumalalang krisis sa transportasyon na dulot ng pagsirit ng presyo ng krudo.

Suportado rin ng ilang progresibong grupo ang planong tigil-pasada ng PISTON.

Sa pahayag ng grupo nitong Lunes, Marso 16, iginiit nilang ang welga ay protesta laban sa umano’y kabiguan ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na resolbahin ang krisis sa langis.

Matatandaang nagsimula ang sunod-sunod na big-time oil price hikes matapos sumiklab ang tensyon sa pagitan ng Iran, Israel at United States.

Pinangangambahang lalo pang tataas ang presyo ng langis dahil sa banta sa oil shipments sa Strait of Hormuz, isa sa pinakamahalagang ruta ng suplay ng langis sa buong mundo.

(JESSE RUIZ)

57

Related posts

Leave a Comment